MARSO 5, 2024
UNITED STATES
Marami ang Nakarinig ng Mensahe ng Bibliya Nang Ganapin ang 2024 Super Bowl
Noong Pebrero 11, 2024, ginanap ang kilalang event ng American football na Super Bowl sa Las Vegas, Nevada, U.S.A. Noong linggo bago ang laro, mga 300,000 tao ang nagpunta doon. Naglagay ng mga literature display cart sa 50 lugar sa kahabaan ng Las Vegas Boulevard, na isa sa pinakamataong kalsada sa lunsod. May makukuha doon na mga literatura sa Bibliya sa siyam na wika. Mga 1,500 kapatid ang nakibahagi sa espesyal na kampanyang ito ng pangangaral. Tingnan ang ilang magagandang karanasan ng mga kapatid natin.
Nadaanan ng isang lalaki ang cart natin na may tanong na “May Pag-asa Pa Ba ang Planeta Natin?” Bumalik siya at nakipag-usap sa mga Saksi na nakatayo malapit sa cart. Nag-aalala siya sa kalagayan ng mundo at masaya siyang marinig ang pangako ng Bibliya sa Jeremias 29:11 tungkol sa kapayapaan. Mahigit isang oras siyang nakipag-usap sa mga kapatid sa tabi ng cart. Bago umalis, sinabi niya na gusto rin niyang dumalo sa pulong.
Sa isang lugar namang malapit sa stadium, napansin ng isang security guard sa isa sa mga cart natin ang tanong ding “May Pag-asa Pa Ba ang Planeta Natin?” Nagtatrabaho pa siya kaya sinabi niya sa mga brother na babalik na lang siya pagkatapos ng trabaho. Bumalik nga siya at sinabing sinimulan niya kamakailan na magbasa ng Bibliya. Sinabi ng mga kapatid ang tungkol sa programa natin ng pag-aaral ng Bibliya at gustong-gusto niyang matuto nang higit. Kaya isinaayos ng mga brother na makontak siya ng isang kapatid.
Isang araw bago ang Super Bowl, isang babae ang nakausap ng mga Saksi sa bahay-bahay. Sinabi niya na nakita niya sa balita sa TV ang tungkol sa mga cart natin. “Maganda ’yang ginagawa n’yo,” ang sabi niya. “Sa mahirap na panahong ito, kailangan natin ng pag-asa.” Pagkatapos, nagtanong siya kung saan at kailan nagtitipon sa lugar na iyon ang mga Saksi ni Jehova.
Masaya tayo na patuloy na tumutugon ang mga tao sa ‘panawagan ng karunungan’ sa mataong mga lugar na iyon sa pamamagitan ng espesyal na pangangaral na ito, lahat para sa kapurihan ng ating Diyos na Jehova.—Kawikaan 1:20, 21.