MAYO 29, 2025
UNITED STATES
Mga kapatid na nakikibahagi sa pampublikong pagpapatotoo sa isang pagtitipon ng mga Native American sa Albuquerque, New Mexico, U.S.A.
Ibinahagi ng mga Saksi ang Mabuting Balita sa Isang Pagtitipon ng mga Native American
Mula Abril 24 hanggang 26, 2025, libo-libong Native American mula sa daan-daang tribo sa North America ang nagpunta sa isang taunang pagtitipon sa Albuquerque, New Mexico, U.S.A., para kumanta, sumayaw, at makibahagi sa iba pang tradisyonal na gawain. Nagtayo doon ng isang booth ang mga Saksi ni Jehova para ipakita ang iniaalok nating pag-aaral sa Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon sa Navajo at sa 26 na iba pang wika ng mga Native American.
Lumapit ang isang lalaki sa booth at nagtanong sa mga brother kung mga Saksi ni Jehova ba sila. Sinabi ng mga brother na Saksi nga sila, kaya sinabi ng lalaki, “Sino ba si Jehova?” Ipinaliwanag ng mga brother na Jehova ang pangalan ng Maylalang at nandoon sila para tulungan ang mga tao na makilala Siya. Tuwang-tuwa ang lalaki nang malaman niyang puwede siyang matuto tungkol kay Jehova sa sarili niyang wika na Navajo. Tinanggap niya agad ang tract na You Can Trust the Creator! Humingi rin siya ng higit pang impormasyon tungkol sa iniaalok nating pag-aaral sa Bibliya.
Inanyayahan ang mga pumunta sa booth na tingnan ang salig-Bibliyang mga publikasyon sa 27 wika ng mga Native American
Nagustuhan ng dalawang kabataang babae ang isang displey na may sign na “Find Content In Your Language Here.” (Tingnan ang larawan.) Nang malaman ng sister natin na lumaki ang dalawang babae sa isang Navajo reservation, tinulungan niya silang mag-search sa jw.org sa wikang Navajo. Ipinaliwanag niya ang iniaalok nating Bible study at kung paano ito makakatulong sa kanila na malaman ang sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Pumayag silang magpa-Bible study.
Lahat-lahat, 96 na Native American ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya para matuto pa tungkol sa Maylalang. Masaya tayong marinig ang magagandang karanasang ito, na nagpapatibay sa ating patuloy na ibahagi ang mabuting balita sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan.”—Apocalipsis 14:6.

