AGOSTO 8, 2025
UNITED STATES
Ang Queens Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Long Island City, New York, U.S.A.
Huling Programang Idinaos sa Unang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova na Ginamit Nang 60 Taon
Idinaos noong Hulyo 6, 2025, ang huling programa sa Queens Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Long Island City, New York, U.S.A. Binili ito noong 1965, at ito ang naging kauna-unahang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Kaliwa: Si Brother Brandon Hubbard habang nagpapahayag sa Queens Assembly Hall noong Hulyo 6, 2025. Kanan: Masayang pumapalakpak ang mga kapatid sa huling pahayag ng programa sa araw ding iyon
Si Brother Claudius Johnson, na ngayon ay 102 taong gulang na, ang nangasiwa sa Queens Assembly Hall sa loob ng maraming taon. Pagkatapos dumalo sa huling programang idinaos dito, sinabi niya: “Sa loob ng maraming taon, nagdaraos kami ng malalaking asamblea sa mga istadyum, awditoryum ng paaralan, o iba pang inuupahang pasilidad. Pero ang ilan sa mga iyon ay hindi angkop sa marangal nating pagsamba. Kaya kinailangan natin ng isang gusali na angkop, komportable, at puwedeng pagdausan ng malalaking pagtitipon.” Noong simula ng 1965, masayang-masaya ang mga kapatid nang aprubahan ng organisasyon ang pagbili ng isang malaking teatro sa Queens, New York, na itinayo noong 1930. May layo itong 11 kilometro mula sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Ni-renovate ito agad para gawing isang marangal na lugar ng pagsamba.
Si Brother Claudius Johnson
Ang unang programa sa Queens Assembly Hall ay idinaos noong dulo ng 1965. Sa sumunod na anim na dekada, ginanap dito ang iba’t ibang teokratikong okasyon. Halimbawa, mula 1966 hanggang 1984, dito ginanap ang mga graduation program ng Watchtower Bible School of Gilead. Bukod diyan, ilang taon ding dito idinaos ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ang taunang miting nito. Dumalo si Sister Mary Ann Miller sa huling kombensiyong idinaos dito. Sinabi niya: “Sa nakalipas na 60 taon, naging mahalagang bahagi ng buhay ko at ng maraming iba pa ang Assembly Hall na ito. Totoo, isa lang itong gusali, pero hindi ko makakalimutan ang maraming magagandang alaala ko dito kasama ng mga kapatid habang masaya kaming sumasamba kay Jehova.”
Isinara ang Queens Assembly Hall nang matapos ang konstruksiyon sa Long Island Assembly Hall sa Woodbury, New York, na may 2,100 upuan. Marami sa mga dating nagtitipon sa Queens Assembly Hall ang magtitipon na ngayon sa bago at mas malaking pasilidad na ito.
Ang bagong bukas na Long Island Assembly Hall sa Woodbury, New York
“Maraming taóng nagamit ang Queens Assembly Hall sa pagsamba kay Jehova,” ang sabi ni Brother Luis Tellechea, na nangalaga sa pasilidad nang mahigit 20 taon. “Masaya naming aalalahanin ang mga panahong iyon. Pero ngayon, kailangan na naming magpaalam sa kaniya. Sabik na kami ngayong sumamba kay Jehova nang magkakasama sa bagong Hall.”—Deuteronomio 32:7.

