Tagalog
Dalawang Makasaysayang Eksibit, Binuksan sa Sangay ng Britain
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025107/univ/art/702025107_univ_sqr_xl.jpg

HULYO 25, 2025
UNITED KINGDOM

Mga bisita na naglilibot sa dalawang bagong-bukás na makasaysayang eksibit sa sangay ng Britain. Kaliwa: “Shining Out of Darkness―The History of the Bible in Britain and Ireland.” Kanan: “Our Heritage―The History of Jehovah’s Witnesses in Britain and Ireland”

Dalawang Makasaysayang Eksibit, Binuksan sa Sangay ng Britain

Dalawang Makasaysayang Eksibit, Binuksan sa Sangay ng Britain

Nitong nakaraang taon, nagbukas na para sa mga bisita ang dalawang eksibit sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Chelmsford, England. Sa tulong ng mga visual aid at audio guide, makikita sa mga eksibit na ito ang mayamang kasaysayan ng bayan ni Jehova sa Britain at Ireland.

Makikita sa eksibit na “Shining Out of Darkness―The History of the Bible in Britain and Ireland” kung paano naging available ang Salita ng Diyos sa mga wika ng British Isles. Ipinapaliwanag din sa bagong-update na eksibit na ito kung paano hinarap at nalampasan ng mga unang tagapagsalin ang maraming hamon at nagsimulang sumikat nang mas maliwanag ang Salita ng Diyos.

Bahagi ng eksibit ang mahigit 30 Bibliya na puwedeng suriin ng mga bisita, kabilang na ang ilang bibihirang edisyon. Isa sa mga ito ay ang Tyndale New Testament na inimprenta noong 1552. Mahigpit na ipinagbabawal noon ang pagsasalin ng Bibliya sa English, at sa loob ng maraming taon, ipinagbawal ng mga awtoridad na magkaroon ang sinuman ng kahit isang pahina ng salin ni Tyndale. Kabilang sa mga orihinal na Bibliya na nakadispley ay ang 1611 na King James Version at isang 1620 na Bibliyang Welsh, na karaniwang ginagamit noon ng mga nagsasalita ng Welsh sa loob ng mahigit 350 taon.

Itaas na kaliwa: Isang kopya ng Tyndale New Testament na inimprenta noong 1552. Ibabang kaliwa: Isang orihinal na edisyon ng Bibliyang Welsh na mula 1620. Kanan: Ang Boothroyd Family Bible, na may pulang arrow na nakaturo sa pangalan ni Jehova

Bukod dito, itinatampok sa eksibit ang maraming beses na paglitaw ng personal na pangalan ng Diyos na Jehova sa ilang English na salin ng Bibliya. Halimbawa, ang 1824 na Boothroyd Family Bible ang unang English na Bibliya na gumamit ng pangalan ng Diyos sa buong Hebreong Kasulatan. Nakadispley rin ang orihinal na kopya ng 1861 na salin ng huling walong aklat ng Bagong Tipan ni Frederick Parker (Heinfetter). Ito ang unang English na salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit ng pangalan ng Diyos.

Orihinal na kopya ng Food for Thinking Christians mula 1881

Sa eksibit naman na “Our Heritage―The History of Jehovah’s Witnesses in Britain and Ireland,” may mga larawan at artifact na tutulong sa mga nagtu-tour na makita ang 140-taóng kasaysayan ng bayan ni Jehova sa dalawang bansang ito. Isa sa napakahalagang piraso ng mayamang kasaysayan natin ay ang napakabihirang orihinal na kopya ng buklet na Food for Thinking Christians. Ang buklet na ito, na unang inimprenta noong 1881, ang unang publikasyong ipinamahagi sa buong Britain ng mga Estudyante sa Bibliya, ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang kopyang nakadispley sa eksibit ay pag-aari ng isa sa mga unang Estudyante sa Bibliya sa England, si Brother Aaron P. Riley. Dahil gustong-gusto niyang ibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya, madalas ipahiram ni Aaron ang personal na kopya niya ng buklet na ito sa mga kapitbahay niya at sa iba pang nagpakita ng interes sa Salita ng Diyos.

Ganito ang sinabi ni Brother Stephen Hardy, miyembro ng Komite ng Sangay sa Britain, tungkol sa dalawang eksibit na ito: “Habang inaalala natin ang mayamang kasaysayan ng pagsasalin ng Bibliya at kung paano nagsimula ang gawain sa Britain at Ireland, lalo tayong nagiging determinadong sumulong, dahil alam nating sinasang-ayunan at sinusuportahan tayo ni Jehova. Inaanyayahan namin ang lahat na makadalaw sa mga eksibit na ito.”​—Deuteronomio 32:7.