DISYEMBRE 3, 2024
UNITED KINGDOM
Bukás Na sa Sangay sa Britain ang Bago at Mas Malalaking Gusali Para sa Paggawa ng mga Audio Recording at Video
Noong Setyembre 7, 2024, sinimulan nang gamitin ng Regional Video Team (RVT) sa Britain ang bagong mga pasilidad sa sangay sa Chelmsford, England. Nagdagdag dito ng ikalawang studio para sa paggawa ng mga video, isang studio para sa mga audio recording, at isang lugar para sa pag-e-edit ng mga audio recording at video. Mahigit 90 kapatid ang bumubuo sa construction team na nagtayo ng mga studio na ito.
Dahil dalawa na ang filming studio, puwedeng gawin nang sabay ang dalawang proyekto. Pero kailangang soundproof ang bawat studio. Para magawa iyan, gumamit sila ng cement board na may acoustic plasterboard at inilagay ito sa kisame at mga dingding sa loob at labas ng studio. Para mabawasan din ang ingay, nag-install sila ng espesyal na air conditioning system at espesyal na uri ng sahig.
Mula kaliwa sa itaas pakanan: Naglalagay ng soundproof paneling sa kisame ng studio. Sinusukat ang isang ductwork para sa HVAC system. Pinapalitadahan ang mga dingding sa pasukan ng audio studio
Sinabi ni Brother Paul Norton, miyembro ng Komite ng Sangay sa Britain: “Ang ganda ng bagong mga pasilidad. Makakatulong ito sa RVT para mas marami pa silang magawang magagandang audio recording at video. Masaya kaming suportahan ‘ang tapat at matalinong alipin’ habang naglalaan sila ng espirituwal na pagkain para sa lahat ng kapatid.”—Mateo 24:45.
Isang audio engineer, vocal coach, at voice talent, habang gumagawa ng isang audio recording
Nagpapasalamat kami sa masisipag na kapatid na tumulong para matapos ang proyektong ito. At nagtitiwala kaming ang mga salig-sa-Bibliyang materyal na gagawin doon ay tutulong sa atin na maging mas malapít kay Jehova, ang ating Dakilang Tagapagturo, habang pinupuri natin siya.—Isaias 30:20.

