HUNYO 10, 2022
UKRAINE
UPDATE #9 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Patuloy na tumutulong ang sangay sa Ukraine, at ang 27 Disaster Relief Committee (DRC) sa mga kapatid na lumikas sa bansa. Mula nang magsimula ang digmaan, nasa mahigit 250 tonelada na ng mga relief ang na-import mula Poland. Kasama dito ang pagkain, damit, at iba pang suplay. Bukod dito, mayroon ding mahigit 80 tonelada ng pagkain na mula sa mga kapatid na nasa mga ligtas na lugar sa Ukraine.
Tungkol sa tulong na natanggap mula sa mga kapatid na naglilingkod sa DRC, sumulat si sister Valentyna na taga-Kyiv: “Nang magsimula ang digmaan, napakadelikadong manatili sa lugar namin. Kaya lumikas ako papunta sa maliit na bayan sa Cherkasy region. Mahigit dalawang buwan na ako dito. Talagang inalagaan ako ng mga kapatid. Dinadalhan nila ako ng mga box ng pagkain at iba pang suplay. Dahil sa mga ito, na-touch talaga ako. Sa isa sa mga box, may isang drowing na galing sa apat na taóng gulang na si Blanca at isang postcard . . . Itinago ko ito para gawing remembrance. Talagang nagpapasalamat ako sa lahat ng kapatid, at lalong higit kay Jehova.”
Mga batang nagdodrowing para isama sa mga box ng relief
Si sister Valentyna, isang 83 years old na may kapansanan, na taga Sieverodonetsk, ang sumulat: “Nang magsimula ang digmaan, ako na lang ang mag-isa sa bahay kasi namatay ang nag-iisang anak ko bago ang digmaan. Nakakatakot talaga. Hindi tumitigil ang mga pagsabog buong araw. Walang tubig, kuryente, gas, at mahina ang Internet. Talagang nagpapasalamat ako sa mga kapatid na tumulong sa akin kahit manganib pa ang buhay nila.”
Sinabi pa niya: “Dinala ako ng mga brother, kasama ang dalawa pang sister na may kapansanan din sa mas ligtas na lunsod ng Dnipro. Doon, tinulungan kami ng mga kapatid na makahanap ng matutuluyan. Ngayon, nakatira ako sa bahay ng isang pamilyang Saksi. Sila ang nag-alaga sa akin. Itinuring nila akong parte ng pamilya. Tinulungan nila akong magkaroon ng smartphone para makadalo ako at makibahagi sa mga pulong. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kabaitang ipinakita ng mga kapatid sa akin.”
Masayang-masaya tayo at nagpapasalamat sa ating mapagmahal na Ama, si Jehova, dahil patuloy niyang inaalagaan ang mahal nating mga kapatid sa Ukraine. Kaya hindi sila ‘nagkukulang ng anumang mabuti.’—Awit 34:10.
Makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine hanggang nitong Hunyo 7, 2022. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
42 kapatid ang namatay
82 kapatid ang nasugatan
46,145 kapatid ang lumikas
469 na bahay ang nawasak
540 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
1,405 bahay ang bahagyang nasira
5 Kingdom Hall ang nawasak
8 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
33 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
27 DRC ang tumutulong sa Ukraine
50,663 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
22,995 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon

