Tagalog
UPDATE #14 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702022319/univ/art/702022319_univ_sqr_xl.jpg

Hindi napigilan ng madalas na blackout ang mga kapatid natin sa Ukraine na dumalo sa mga pulong. Kaliwa: Nagpapahayag ang circuit overseer sa isang maliit na grupo ng mga kapatid sa bahay ng isang brother. Itaas kanan: Nagpupulong pa rin ang mga kapatid sa Kingdom Hall kahit walang kuryente. Ibaba kanan: Dumadalo sa pulong via Zoom ang isang pamilya kahit walang kuryente

DISYEMBRE 20, 2022
UKRAINE

UPDATE #14 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

UPDATE #14 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Maraming daan, tulay, at power station sa Ukraine ang nasira dahil sa madalas na pambobomba. Pero hindi nito napigilan ang mga kapatid sa pagdalo sa mga pulong at iba pang gawaing paglilingkod kahit madalas wala silang kuryente.

Nagpupulong via Zoom kahit walang kuryente

Ikinuwento nina Anastasia at Debora, mga pioneer sa Kyiv, na di-bababa sa 12 oras na wala silang kuryente araw-araw. Kaya nagcha-charge na sila ng mga gadyet nila habang may kuryente at naka-data kapag dumadalo ng mga pulong. Madalas, napuputol na ang Internet connection pagkatapos ng pulong.

Dahil walang kuryente, problema rin ang heating. Minsan, gumagamit ang mga kapatid ng outdoor generator para magkaroon ng kuryente at makapagpainit. Ang ilan naman, lumilipat sa mga kamag-anak nila na may heating sa bahay. Ang iba naman, tinitiis na lang ang lamig. Mabuti na lang, marami sa mga kapatid ang nakatira sa mga bahay o apartment na de-gas ang heating, kaya nakakapagpainit sila kahit walang kuryente.

Sinikap ni Iryna, isang pioneer sa Ivano-Frankivsk, na maging positibo lagi. “Hindi ako nagpo-focus sa mga bagay na ’di ko kontrolado,” ang sabi niya. “Sinusulit ko ang bawat oras. Iniisip ko ang mga puwede kong gawin kapag walang kuryente, at sinisigurado kong na-download ko na ang mga publikasyong kailangan ko.”

Kahit maraming problema, laging busy sa paglilingkod kay Jehova ang mga kapatid natin sa Ukraine. Tiyak tayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila “sa paggawa ng mabuti.”—Galacia 6:9.

Hanggang nitong Disyembre 6, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 47 kapatid ang namatay

  • 97 kapatid ang nasugatan

  • 11,537 kapatid ang lumikas

  • 590 bahay ang nawasak

  • 645 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 1,722 bahay ang bahagyang nasira

  • 7 Kingdom Hall ang nawasak

  • 19 na Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 68 Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine

  • 54,212 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 26,811 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon