ABRIL 23, 2025
UKRAINE
Ang anim na brother na ibinilanggo sa Ukraine noong Pebrero at Marso 2025 dahil tumanggi silang magsundalo
Tatlong Kapatid sa Ukraine ang Nabilanggo Noong Pebrero at Marso 2025 Dahil sa Pagtangging Magsundalo
Tatlo Pang Kapatid ang Ibinilanggo Habang Naghihintay ng Paglilitis
Gaya ng iniulat sa jw.org, noong Enero 2025, nabilanggo si Brother Vitalii Kryushenko sa Ukraine dahil sa pagtanggi niyang magsundalo. Siya ang kauna-unahang Saksi ni Jehova na nabilanggo nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Pagkatapos, anim pang brother ang ipinabilanggo ng gobyerno ng Ukraine dahil sa pagtangging magsundalo.
Si Andrii Khomenko at ang asawa niyang si Iryna
Noong Pebrero 3, 2025, nahatulang mabilanggo nang tatlong taon ang 50-anyos na si Brother Andrii Khomenko. Sila ng asawa niyang si Iryna ay may dalawang anak na lalaki. Bago siya mabilanggo, sinabi ni Andrii: “Nagtitiwala ako na kahit sa pinakamahirap na kalagayan, lagi kong kasama si Jehova para tulungan ako at bigyan ng kapayapaan ng isip.”
Si Serhii Ivanushchenko
Pagkalipas lang ng mahigit isang linggo, noong Pebrero 11, 2025, nagsimula na ang tatlong-taóng-pagkabilanggo ng 48-anyos na si Brother Serhii Ivanushchenko. Ilang buwan pagkatapos niyang mabautismuhan noong Nobyembre 2023, ipinatawag si Serhii para magsundalo. Dahil naninindigan siya sa paniniwala niyang hindi dapat ‘mag-aral ng pakikipagdigma’ ang mga lingkod ng Diyos, humarap siya sa mga opisyal ng militar at magalang na ipinaliwanag na hindi siya magsusundalo.—Isaias 2:4.
Si Serhii Nechaiuk
Noong Marso 5, 2025, ikinulong naman ng mga awtoridad si Brother Serhii Nechaiuk. Siya ay 35 taóng gulang, may asawa, at may dalawang anak. Bago magsimula ang tatlong-taóng sentensiya sa kaniya, sinabi ni Serhii: “Alam kong hindi ako nag-iisa dahil ipinapanalangin ako ng mga kapananampalataya ko. At kasama ko si Jehova.”
Bukod diyan, sa pagitan ng Enero at Marso 2025, puwersahang dinala ng mga sundalo sina Brother Mykhailo Adamovych (edad 40), Yaroslav Bodnarchuk (edad 28), at Oleksandr Radashko (edad 35) sa himpilan ng militar. Itinuturing ito ng mga opisyal ng militar na simula ng kanilang paglilingkod sa militar ayon sa batas ng Ukraine. Nang tumangging magsuot ng uniporme ang mga kapatid o humawak ng sandata, kinasuhan sila ng pagsuway sa batas militar at ikinulong. Ikinulong sina Mykhailo at Oleksandr habang naghihintay ng paglilitis; si Yaroslav naman ay pinalaya muna bago magsimula ang paglilitis sa kaniya. Kapag nahatulan, ang bawat isa sa kanila ay puwedeng mabilanggo nang 5 hanggang 10 taon.
Kaliwa pakanan: Sina Mykhailo Adamovych, Yaroslav Bodnarchuk, at Oleksandr Radashko
Ang ginawang ito ng mga awtoridad ay labag sa internasyonal na batas at batas ng Ukraine. Halimbawa, sinasabi sa Article 18 ng Universal Declaration of Human Rights at sa Article 9 ng European Convention on Human Rights na ang isang tao ay may karapatang magsagawa ng alternatibong serbisyo sibil. Sumang-ayon ang gobyerno ng Ukraine na susundin ang internasyonal na mga batas na iyon. Isa pa, sinasabi rin sa Konstitusyon ng Ukraine na ang isang tao ay may karapatang magsagawa ng alternatibo (hindi militar) na paglilingkod sa halip na maglingkod sa militar.
Bilang isang pambuong-daigdig na kapatiran, ipinapanalangin natin na patuloy sanang patibayin at ingatan ni Jehova ang ating tapat na mga kapatid na ito at ang lahat ng nagsisikap na manatiling tapat sa kaniya.—Awit 34:7.

