HULYO 8, 2025
UKRAINE
Hinatulan ng Ukraine ang Dalawa Pang Brother Dahil sa Pagtangging Magsundalo
Kamakailan, inaresto ng awtoridad sa Ukraine ang dalawa pa nating kapatid dahil sa pagtangging magsundalo. Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Ukraine ang karapatan ng mga mamamayan nito na tumangging maglingkod sa militar dahil sa personal na paniniwala. Pero patuloy ang pag-aresto at pagbilanggo sa mga kapatid natin doon dahil sa magalang nilang pagtanggi.
Si Oleksandr Shnyra at ang asawa niyang si Hanna
Noong Mayo 28, 2025, hinatulan ng Starokostiantyniv District Court of the Khmelnytskiy Region si Brother Oleksandr Shnyra, 33 anyos, ng tatlong-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Pero inilagay lang muna ng hukuman si Oleksandr sa house arrest habang umaapela siya. Nang tanungin kung ano ang nakakatulong sa kaniya at sa asawa niyang si Hanna na makapagtiis, sinabi ni Oleksandr: “Napapasigla kami ng sinasabi sa 1 Corinto 15:58 na maging ‘maging matatag, di-natitinag, at laging maraming ginagawa para sa Panginoon.’ Kaya nananatili kaming abala sa espirituwal at ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para tumulong sa mga kapatid.”
Si Hennadii Barabash at ang asawa niyang si Dina
Ang 48-anyos na si Brother Hennadii Barabash, isang ama na may dalawang maliit na anak, ay puwersahang dinala sa isang kampong militar at isinali sa militar nang labag sa kalooban niya. Nang hindi siya sumunod, kinasuhan siya ng pagsuway sa awtoridad. Noong Hunyo 10, 2025, ibinilanggo ng Lychakivskyi District Court sa lunsod ng Lviv si Hennadii habang naghihintay ng paglilitis. Kamakailan ay sinabi niya: “Kay Jehova ako nagtitiwala. Alam kong hindi niya ako iiwan. Nakakatulong sa akin ang pagbubulay-bulay sa mga pangako ni Jehova at ang laging pananalangin sa kaniya para lalong lumakas ang loob ko at patuloy akong makapanindigan.”
Patuloy nating ipinapanalangin ang mga kapatid sa Ukraine habang buong tapang nilang sinusunod ang utos ni Jesus na ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’—Juan 17:16.

