Tagalog
Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Chinese
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702019179/univ/art/702019179_univ_sqr_xl.jpg

HULYO 5, 2019
TAIWAN

Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Chinese

Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Chinese

Noong Hulyo 5, 2019, inilabas ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Chinese sa isang panrehiyong kombensiyon sa Taoyuan City, Taiwan. Si Brother Kenneth Cook, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa National Taiwan Sport University Stadium. Ang dumalo sa makasaysayang okasyong ito ay 12,610, kasama na ang mga tagapanood na nasa apat pang lokasyon.

Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay unang inilabas sa wikang Chinese noong 1995. May dalawa itong edisyon—ang isa ay gumamit ng tradisyonal na anyo ng pagsulat na karaniwan sa Hong Kong at Taiwan, at ang isa pa ay gumamit ng pinasimpleng anyo ng pagsulat na karaniwan naman sa China, Malaysia, at Singapore. Inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Chinese noong 2001, na mayroon ding dalawang edisyon. Noong 2004, inilathala ang isa pang edisyon: gumamit ito ng pinasimpleng anyo ng pagsulat na may kasamang Pinyin—ang pagbasa sa mga Chinese character na nakasulat sa Romanong alpabeto.

Ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ay inilabas din sa tatlong edisyon. Ang tradisyonal at pinasimpleng edisyon ay available sa nakaimprenta at digital format. Ang edisyon naman na may Pinyin ay available sa Watchtower ONLINE LIBRARY.

Mahigit 1.1 bilyon ang gumagamit ng Chinese Mandarin, at iyan ang wika na may pinakamaraming gumagamit sa buong mundo. Bukod sa mga nagsasalita ng Mandarin, milyon-milyon ang nagsasalita ng ibang diyalekto na gumagamit din ng mga Chinese character. Magagamit na ngayon ng mga kapatid natin na nasa napakalaking teritoryong ito ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin para tulungan ang mas marami na makilala si Jehova at magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniyang Salita.—1 Timoteo 2:4.