DISYEMBRE 21, 2018
SRI LANKA
Pinakaunang Espesyal na Kombensiyon sa Sri Lanka
Libo-libong Saksi ni Jehova mula sa pitong bansa ang pumunta sa Sri Lanka para dumalo sa isang espesyal na kombensiyon, ang pinakauna sa Sri Lanka. Ang “Magpakalakas-Loob”! na Espesyal na Kombensiyon ay idinaos sa kabiserang lunsod, ang Colombo, noong Hulyo 6-8, 2018 sa Sugathadasa National Sports Complex. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 14,121. Maraming espesyal sa kombensiyong ito. Halimbawa, nagbigay ng mga pahayag ang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ngayon lang umabot nang ganoon karami ang nabautismuhan sa Sri Lanka sa iisang pagkakataon, at kahanga-hanga ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid sa mga 3,500 delegado.
Nagsimula ang paghahanda noong Setyembre 2017 nang sabihin sa mga kongregasyon sa Sri Lanka na magkakaroon ng espesyal na kombensiyon sa susunod na taon. Bukod sa mga kaayusan para sa pagho-host ng kombensiyon, kailangang ayusin at linisin ang istadyum. Kasama rito ang pagpipintura, pag-aalis ng basura, pagkukumpuni ng mga upuan, at pag-aayos ng mga butas sa kalsada. Tatlong linggo bago ang kombensiyon, daan-daang Saksi ang dumating para tumulong sa gawain. Sabi ng isang opisyal, kakailanganin ng maintenance staff ng hanggang apat na taon para gawin ang nagawa ng mga kapatid sa napakaikling panahon.
Bukod sa mismong kombensiyon, mayroon ding mga tour at mga activity na nagtatampok ng kultura ng Sri Lanka. Ang isang hindi malilimutang bahagi ng programa ay ang performance ng tradisyonal na sayaw at kanta, kasama na ang pagkanta ng mga kabataang Saksi ng mga Kingdom song.
Sinabi ni Ashley Ferdinands, kinatawan ng sangay sa Sri Lanka: “Ang espesyal na kombensiyong ito ay regalo sa mga kapatid at isang pribilehiyo na mag-host ng napakaraming delegado. Malaking tulong ang mga boluntaryo para maging matagumpay ang kombensiyong ito. Siyempre, ibinibigay natin ang kapurihan sa makalangit nating Ama na siyang nagbibigay ng bawat mabuting kaloob at perpektong regalo.”—Santiago 1:17.
Ang lugar ng kombensiyon ay hinati sa apat na seksiyon batay sa wika, ang English (makikita rito), Sinhala, Sri Lankan Sign Language, at Tamil.
Si Brother Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang nagbibigay ng huling pahayag bawat araw.
Ang nabautismuhan sa kombensiyon ay 273, ang pinakamataas na bilang ng nabautismuhan sa isang pagkakataon.
Nagdaos ng press conference ang mga kapatid sa tanggapang pansangay. Mahigit 40 journalist ang nagpunta at ipinasyal sila sa palibot ng pasilidad.
Isang kinatawan para sa kombensiyon ang ininterbyu ng dalawang malalaking istasyon ng TV sa Sri Lanka.
Noong Enero 2018, mahigit 700 kapatid ang pumunta sa Colombo para sa isang pagsasanay bilang paghahanda sa kombensiyon.
Inaayos ng mga boluntaryo ang mga sirang upuan sa lugar ng kombensiyon.
Isang programa ang idinaos sa iba’t ibang Kingdom Hall malapit sa lunsod ng kombensiyon, ang Colombo, para makilala ng mga delegado at ng mga kapatid sa Sri Lanka ang isa’t isa.
Ipinakita ng mga performer ang iba’t ibang sayaw at kanta ng Sri Lanka, gaya ng katutubong sayaw ng Tamil.
Mga kabataang Saksi na kumakanta ng “Magpakarunong Ka, Anak Ko.”
Pinapanood ng mga delegado kung paano gumawa ng tsaa.
Sa pagtatapos ng kombensiyon, hawak ng mga delegado ang karatula na nagsasabing mahal nila ang mga kapatid sa Sri Lanka.

