DISYEMBRE 5, 2023
SPAIN
Mga Saksi ni Jehova na “Ibinilanggo Dahil sa Pananampalataya,” Itinampok sa Isang Exhibit sa Spain
Mga bisita sa dating bilangguan ng La Modelo at ang tour guide nila
Makikita sa dating bilangguan ng La Modelo sa Barcelona, Spain, na isa nang museum at cultural center, ang isang exhibit na pinamagatang “Ibinilanggo Dahil sa Pananampalataya” mula Oktubre 14 hanggang Disyembre 16, 2023. May apat na bahagi ang exhibit, at layunin nitong malaman ng mga tao, pati na ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga propesor at guro, ang kahanga-hangang pananampalataya ng mga kabataang Saksi ni Jehova na nabilanggo dahil tumanggi silang magsundalo.
Itinatampok sa exhibit ang karanasan ng mga brother sa Spain mula pa noong 1930’s na nabilanggo dahil tumangging magsundalo. Umabot sa halos 1,000 ang bilang nila noong 1960’s at 1970’s. Mahigit 40 sa kanila ang nakulong sa La Modelo.
Exhibit na nagpapakita ng mga tumangging magsundalo noon dahil sa kanilang pananampalataya
Ipinapaliwanag sa exhibit kung bakit hindi nagsusundalo ang mga Saksi dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala at kung ano ang naging buhay sa bilangguan ng mga kabataang Saksi na ito. Dahil sa paninindigan ng mga brother na ito sa loob ng maraming taon, nagdesisyon ang gobyerno ng Spain noong 1984 na kilalanin ang karapatan ng sinuman na huwag magsundalo dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala.
Inanyayahang magsalita sa pagbubukas ng exhibit ang propesor sa kasaysayan na si Miguel Ángel Plaza. Nakausap niya ang ilang Saksi ni Jehova na nakulong sa La Modelo. Sinabi niya: “Wala sa kanila ang nagsabi ng negatibo tungkol sa naranasan nila sa La Modelo—kahit na tungkol sa mga guwardiya ng bilangguan. Masaya nilang ikinuwento ang nangyari sa kanila.” Nandoon din si Brother Fernando Trepat, isa sa mga Saksi ni Jehova na nakulong sa La Modelo. Sinabi niya: “Mahigit 50 taon na ang nakakalipas, pero kumbinsido pa rin ako na nakatulong sa akin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makagawa ng tamang desisyon. Kung mangyayari ’yon ulit, ganoon pa rin ang magiging desisyon ko.”
Sinabi ni Brother David Báidez, na nag-organisa ng exhibit: “Itinatampok sa exhibit ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan. Pero napapanahon din ito. Sa ngayon, mga 200 Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa ang nakakulong dahil sa kanilang paniniwala na salig sa Bibliya.”
Ilang kapatid na naging tour guide sa exhibit sa La Modelo
Talagang pinapahalagahan natin ang katapatan at pagtitiis ng mga kapatid natin sa Spain sa loob ng maraming taon. Patuloy sana nating ipanalangin ang mga nakakulong ngayon dahil sa kanilang pananampalataya.—Hebreo 13:3.

