Pumunta sa nilalaman

SOUTH KOREA

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—South Korea

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—South Korea

Noong Oktubre 26, 2020, sa kauna-unahang pagkakataon sa buong kasaysayan ng South Korea, nagbigay ang pamahalaan nito ng alternatibong serbisyong pansibilyan para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa konsensiya. Kaya lang, sinabi mismo ng mga awtoridad ng human rights na hindi patas at masyadong mabigat ang alternatibong serbisyong pansibilyan na ito. Halimbawa, ang haba nito na 36 na buwan ay labag sa internasyonal na pamantayan dahil doble ito ng haba ng pagsisilbi sa militar. Ayon sa pamantayang ito, ang haba ng alternatibong serbisyo ay hindi dapat lumampas ng 1.5 beses ng haba ng pagsisilbi sa militar, maliban na lang kung may makatuwirang dahilan. Tinanggihan ng ilang brother sa South Korea ang programa para sa alternatibong serbisyo. Ang ilan sa kanila, nagsampa ng mga reklamo sa korte. Noong Mayo 30, 2024, ibinasura ng South Korea’s Constitutional Court ang lahat ng reklamo laban sa alternatibong serbisyo sa desisyong 5-4. Kahit ganoon ang naging desisyon ng korte, sinabi ng ilan sa kanila na hindi naging pabor sa desisyon: “Ang ganoong klase ng alternatibong serbisyo ay parang ibang uri lang ng parusa na labag sa karapatan ng mga tumangging magsundalo dahil sa konsensiya.”

Si Woo-jin Byeon ang unang nabilanggo dahil sa pagtanggi sa alternatibong serbisyo ng South Korea. Siya ay 29 years old at may asawa. Magalang niyang tinanggihan ang alternatibong serbisyo. Sinabi niya na kapag nagkaroon ng alternatibong serbisyo na hindi masyadong mabigat, handa niya itong tanggapin. Pero noong Hulyo 24, 2024, hinatulan siya ng korte na mabilanggo nang isa at kalahating taon.

Sa ngayon, may 12 Saksi na tumanggi sa alternatibong serbisyo, at kasama diyan si Woo-jin Byeon. Siyam sa kanila ang kasalukuyang nililitis. Depende sa magiging hatol ng korte, puwede silang ituring na kriminal at ibilanggo. Pero pinili ng karamihan sa mga tumangging magsundalo dahil sa konsensiya na gawin ang alternatibong serbisyo kahit na masyado itong mabigat.

Time Line

  1. Hulyo 24, 2024

    Sinentensiyahan si Woo-jin Byeon ng 18 buwan na pagkakabilanggo dahil sa pagtanggi sa alternatibong serbisyo.

  2. Nobyembre 10, 2022

    Pagkatanggap ng imbitasyon para magsilbi sa militar, nagpadala ng sulat si Woo-jin Byeon sa Military Manpower Administration na nagsasabing tinatanggihan niya ang paglilingkod sa militar pati na ang alternatibong serbisyo dahil sa konsensiya niya.

  3. Oktubre 26, 2020

    Nagbigay ng alternatibong serbisyo ang gobyerno ng South Korea para sa mga tumangging magsilbi sa militar dahil sa konsensiya.

  4. Nobyembre 1, 2018

    Nagdesisyon ang Supreme Court ng South Korea na hindi isang krimen ang pagtangging magsilbi sa militar dahil sa konsensiya. Ang naging desisyon ay 9-4.

  5. Hunyo 28, 2018

    Idineklara ng Constitutional Court ng South Korea na labag sa konstitusyon ang isang seksiyon ng Military Service Act kasi hindi ito nagbibigay ng alternatibong serbisyo para sa mga tumangging magsilbi sa militar dahil sa konsensiya.

  6. Oktubre 18, 2016

    Sa unang pagkakataon, idineklara ng Gwangju Appellate Court na “not guilty” ang tatlong Saksing umapela at tumangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya.

  7. Agosto 30, 2011

    Muling pinagtibay ng Constitutional Court ang batas na nagpaparusa sa mga tumatangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya.

  8. Agosto 26, 2004

    Pinagtibay ng Constitutional Court na kaayon ng konstitusyon ang batas na nagpaparusa sa mga tumatangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya.

  9. 1975

    Iniutos ng gobyerno ang sapilitang pagpapalista sa militar.

  10. 1973

    Sinimulan ng gobyerno ang pag-torture sa nakabilanggong mga Saksi; nagpatuloy ito hanggang noong kalagitnaan ng 1990’s.

  11. 1953

    Ibinilanggo ng gobyerno ang unang Saksi na tumangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya.