MAYO 26, 2020
SOUTH KOREA
Pinuri ng mga Opisyal sa South Korea ang Desisyon ng mga Saksi ni Jehova na Magdaos ng mga Kombensiyon Online
Pinuri ng mga opisyal sa South Korea ang ating organisasyon dahil pinili nating ganapin online ang ating kombensiyon ngayong 2020 imbes na sa malalaking istadyum. Natuwa sila dahil isinaalang-alang natin ang kalusugan ng publiko nang hindi kinakansela ang nakaiskedyul na programa ng pagtuturo sa Bibliya. Ibinalik ang lahat ng idineposito para sa paggamit ng mga lugar na pagdarausan ng kombensiyon.
Sinabi ng isang opisyal ng isang pasilidad sa Seoul: “Gaya ng inaasahan, gumawa ng matalinong desisyon ang mga Saksi ni Jehova. Gustong-gusto namin ang mga Saksi. Sa komunidad na ito, wala na akong maisip na kagaya ninyo na iba pang relihiyon na gumagawa ng ganitong mga bagay para sa komunidad.” Sinabi niya: “Inuuna ng mga Saksi ni Jehova ang kapakanan ng iba. Nalulungkot kami na hindi nila magagamit ang pasilidad namin sa taóng ito. Umaasa kami na gagamitin pa rin nila ang pasilidad namin sa hinaharap.”
Sinabi ng isang opisyal ng pasilidad sa Suwon: “Nagpapasalamat ako sa mga Saksi ni Jehova dahil sa nakalipas na 35 taon inalagaan nila ang pasilidad na ito na parang sa kanila. Pero lalo akong nagpapasalamat ngayon dahil sinunod nila ang pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Hanga ako sa pagiging makonsiderasyon nila. Umaasa akong makikita ko ulit dito ang mga Saksi ni Jehova sa susunod na taon.”
Sinabi ng opisyal sa isang airport na malapit sa pagdarausan ng kombensiyon: “Noong 2018 at 2019, nakita namin kung gaano kaorganisado [ang mga Saksi ni Jehova] at kung gaano sila kabilis sumunod sa mga kahilingan namin. Talagang natuwa ako sa desisyon nilang kanselahin ang kombensiyon sa taóng ito para sa kapakanan ng iba.” Sinabi pa niya: “Maganda sana kung katulad ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng tao.”
Bilang bayan ni Jehova, nagpapasalamat tayong tinuturuan tayong magpakita ng pag-ibig sa kapuwa at kitang-kita ang pag-ibig na ito sa mahihirap na panahong ito.—Mateo 22:39.

