DISYEMBRE 11, 2024
SOUTH AFRICA
Natapos ang Dalawang Malalaking Renovation Project sa Sangay ng South Africa
Natapos kamakailan ang pagre-renovate ng limang-palapag na office building at ng main services building sa sangay ng South Africa sa Krugersdorp. Ginagamit na ang dalawang gusaling ito mula pa noong 1987.
Office Building
Simula noong Setyembre 2022, isang maliit na team mula sa South Africa Branch Construction Department ang gumawang kasama ng isang contractor para sa renovation. Ang mga nagtatrabaho sa office building ay inilipat muna sa ibang lugar ng sangay o nagtrabaho sa kanilang kuwarto habang ginagawa ang proyekto.
Kasama sa renovation ang pagre-remodel ng buong lobby at reception area at paglalagay ng bagong utility system sa buong gusali na magpapababa sa bayarin ng tubig at kuryente. At para magamit nang husto ang espasyo, naglagay din ng mga opisina kung saan puwedeng sama-samang magtrabaho ang mga kapatid, mas madaling makapag-usap, at ma-enjoy ang liwanag ng araw at tanawin sa labas. Kapag kailangan ng nakabukod na mga opisina, puwedeng gumamit ng mga partisyon na madaling alisin kung kinakailangan at hindi magastos gawin.
Kaliwa: Mga sister na nagtatrabaho sa labas ng main services building. Kanan: Isa sa mga bagong-renovate na dining room sa main services building
Main Services Building
Nasa 320 kapatid, kasama na ang maraming galing pa sa ibang bansa, ang tumulong sa pagre-renovate ng main services building. Ni-renovate ang dalawang dining room at gumawa ng isang bagong food storage at supply area. Gumawa rin ng mga pagbabago sa electrical at mechanical system ng gusali.
Ilan sa mga internasyonal na boluntaryo na tumulong sa renovation. Halos kalahati ng mga boluntaryo sa proyektong ito ay mga sister
Masaya tayo para sa ating mga kapatid sa South Africa, at nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil tinulungan niya ang mapagsakripisyong mga boluntaryo na matapos ang mga proyektong ito.—Kawikaan 16:3.

