Tagalog
Mga Saksi, Nagbalik-Tanaw sa 75 Taon ng Pagtatayo ng Kingdom Hall sa South Africa
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025130/univ/art/702025130_univ_sqr_xl.jpg

OKTUBRE 2, 2025
SOUTH AFRICA

Ang unang Kingdom Hall sa South Africa na itinayo sa Cape Town noong 1950

Mga Saksi, Nagbalik-Tanaw sa 75 Taon ng Pagtatayo ng Kingdom Hall sa South Africa

Mga Saksi, Nagbalik-Tanaw sa 75 Taon ng Pagtatayo ng Kingdom Hall sa South Africa

Noong Setyembre 2025, ika-75 taon na mula nang matapos ang unang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa South Africa. Mula noong 1950, habang dumarami ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa bansang iyon, patuloy din sa pagdami ang itinatayo at minamantining mga lugar ng pagsamba.

Tatlong Kingdom Hall na ginamit ng mga kapatid sa South Africa noong dekada ng 1950

Sa loob ng mga dekada, karaniwan nang umuupa lang ng pasilidad ang mga kapatid natin sa South Africa para makapagpulong. Madalas, masikip ang mga lugar na ito at mahirap para sa mga dumadalo na makapagpokus sa pulong. Nang magkaroon ng pondo, sinimulan ng kongregasyon sa Strand, Cape Town, ang pagtatayo ng kauna-unahang Kingdom Hall sa South Africa. Sinimulan itong itayo ng mga kapatid noong 1949, at inialay ito noong Setyembre 17, 1950.

Sa sumunod na 40 taon, maraming kapatid ang masayang nagbigay ng kanilang panahon at pag-aari para makatulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa buong bansa. Pagkatapos, noong unang bahagi ng dekada ’90, isang bagong kaayusan ang sinimulan ng organisasyon ni Jehova para mas mabilis na makapagtayo ng mga Kingdom Hall. Halimbawa, noong Abril 1992, ang unang Kingdom Hall sa Diepkloof, Soweto, South Africa, ay itinayo sa loob lang ng apat na araw! Lalo pang dumami ang itinayong mga Kingdom Hall sa South Africa nang ipatupad ang programang Lands with Limited Resources noong 2008. Sa kaayusang ito, nagamit ng organisasyon ang donasyon ng mga kapatid para ‘mapunan ang pangangailangan’ sa mga lugar na kulang ang pondo para sa pagtatayo ng Kingdom Hall. (2 Corinto 8:14) Sa loob lang ng wala pang limang taon, nakapagtayo na ng mahigit 200 Kingdom Hall sa South Africa sa ilalim ng programang ito.

Ilang Kingdom Hall na itinayo o ni-renovate mula dekada ng 1990 hanggang ngayon

Noong 2014, sinimulan sa buong mundo ang Local Design/Construction (LDC) program. Sa kaayusang ito, napabilis ang pagsasanay sa mga kapatid na lalaki at babae sa gawaing pagtatayo. Sa ilalim ng LDC, halos 250 Kingdom Hall ang naitayo at mahigit 800 ang na-renovate. Sa ngayon, may 1,290 Kingdom Hall sa buong teritoryo ng sangay ng South Africa.

Sinabi ni Brother Buhlebakhe Mkhize, ang overseer ng LDC sa South Africa: “Tuwang-tuwa kaming makita kung paano pinabibilis ni Jehova ang paglaganap ng tunay na pagsamba. Ipinapanalangin namin na patuloy niyang pagpalain ang gawaing pagtatayo ng mga kapatid natin sa South Africa at sa buong daigdig para sa kaluwalhatian ng kaniyang pangalan!”—Awit 127:1.