Maikling Impormasyon—Singapore
Mula pa noong dekada ng 1930, may mga Saksi ni Jehova na sa Singapore. Noong 1962, inirehistro nila ang isang legal na korporasyon, ang Singapore Congregation of Jehovah’s Witnesses. Pero noong Enero 14, 1972, binuwag ng gobyerno ang korporasyong ito at ipinagbawal ang importasyon at distribusyon ng relihiyosong publikasyon ng mga Saksi. Ipinagmatuwid ng gobyerno na ginawa nila iyon dahil tumatangging maglingkod sa militar ang mga Saksi ni Jehova.
Sa Singapore, sapilitan ang paglilingkod sa militar, at hindi kinikilala ng gobyerno ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Kaya ang mga lalaking tumatangging magsundalo ay nasesentensiyahan ng dalawang magkasunod na pagkabilanggo, na umaabot nang 39 na buwan.
Bagaman walang nagbabago sa batas, hindi na ganoon kahigpit sa ngayon ang gobyerno sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, ipinahayag ng pinakamataas na appellate court ng Singapore na ang “karapatang ipahayag, isagawa, at ipalaganap ng isang mamamayan ang kaniyang relihiyosong paniniwala, maging ng isang Saksi ni Jehova, ay hindi inaalis.” Napakaimportante para sa mga Saksi ni Jehova sa Singapore ang karapatang ito at lubos nilang pinahahalagahan ang malaking respeto na ipinapakita sa kanila ngayon ng gobyerno.

