HULYO 3, 2024
SERBIA
Napakagandang mga Resulta ng Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Liblib na mga Lugar sa Serbia
Mula Mayo 17 hanggang 26, 2024, mahigit 600 kapatid sa Serbia at Montenegro ang nakibahagi sa espesyal na kampanya ng pangangaral sa ilang liblib na rehiyon sa Serbia. Ito ang unang in-person na kampanya ng pangangaral na isinagawa ng mga Saksi ni Jehova sa Serbia sa nakalipas na mahigit 20 taon. Tinatayang mahigit 1.5 milyong tao—halos sangkapat ng populasyon ng Serbia—ang nakatira sa liblib na mga lugar na bihirang mapuntahan ng mga kapatid. Mahigit 1,800 ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya noong kampanya.
Sa bayan ng Beli Potok, nagustuhan ng isang babae ang pakikipag-usap niya sa mga Saksi, kaya tinawagan niya sa telepono ang ilang kapitbahay niya at sinabi: “May mga pupunta sa inyo, at may sasabihin sila tungkol sa Diyos at sa Bibliya. Makinig kayong mabuti!” Inabangan ng isang babaeng nakatira sa huling bahay sa nayon ang pagdating ng mga Saksi. Tuwang-tuwa siya at pinatuloy niya sila. Sinabi niya na nakadalo na siya noon sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Pumayag siyang magpa-Bible study.
Kausap ng dalawang sister ang isang may-edad nang babae sa nayon ng Trgovište
Dalawang Saksi ang nasa isang literature display cart sa bayan ng Smederevska Palanka nang lapitan sila ng lalaking nagngangalang Radomir. Sinabi niya sa kanila na masaya siyang makakita ng mga taong naniniwala sa Diyos. Nagtanong siya tungkol sa libreng pag-aaral sa Bibliya na nakadispley sa cart. Ipinaliwanag ng mga brother kung paano ginagawa ang pag-aaral sa Bibliya, at masayang tinanggap ni Radomir ang alok na pag-aaral sa Bibliya.
Talagang isang pagpapala ang espesyal na kampanyang ito para sa mga kapatid sa Serbia at sa lahat ng gustong matuto ng mga katotohanan sa Bibliya.—Juan 7:37.

