DISYEMBRE 11, 2017
RUSSIA
Pinaboran ng Korte sa Russia ang Pagkuha sa Pambansang Tanggapan ng mga Saksi
Noong Disyembre 7, 2017, pinaboran ng Sestroretskiy District Court ang prosecutor at pinawalang-bisa ang matagal nang kontrata sa mga property na ginagamit ng Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia. Kapag hindi nagbago ang desisyong ito pagkatapos ng apela, magmumukhang legal ang pagkuha ng mga awtoridad sa Russia sa property na nasa Solnechnoye, malapit sa St. Petersburg.
Labimpitong taon na ang nakalilipas, ang property ay naging pag-aari ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania (WTPA), isang korporasyon sa U.S., sa pamamagitan ng legal na kontrata, at hindi kinuwestiyon ng mga opisyal sa Russia ang pagiging legal nito. Ipinagagamit ng WTPA ang property sa Administrative Center para mapangasiwaan nito ang relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation. Ang WTPA din ang nagbabayad ng buwis ng property bilang pagsuporta sa gawaing ito.
Dahil sa desisyon ng Korte Suprema noong Abril 20, 2017 na buwagin ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi, ipagbawal ang gawain nila, at kumpiskahin ang property nila, sinasabi ngayon ng prosecutor na wala nang bisa ang 17-taóng kontrata. Pero ang totoo, lampas na nang ilang taon ang itinakdang panahon kung kailan puwedeng kuwestiyunin ang kontrata. Sa pagtatapos ng apat-na-oras na pagdinig kung saan iniharap ng mga Saksi ang matitibay na ebidensiya na legal ang paglilipat ng property at dapat itong kilalanin, ipinahayag ni Judge Bogdanova ang desisyon ng korte na pabor sa sinabi ng prosecutor.
May 30 araw ang mga Saksi para magsumite ng apela.

