HUNYO 26, 2017
RUSSIA
Dahil sa Natatanging Serbisyo sa Komunidad, Pinarangalan ng mga Opisyal ng Russia ang mga Saksi ni Jehova, Kasama ang Ikinulong na Mamamayan ng Denmark
NEW YORK—Noong Hunyo 2, 2017, binigyan ng pantanging pagkilala ng mga opisyal ng lunsod ng Oryol sa Russia ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, na pinasasalamatan ang pakikibahagi nila sa taunang paglilinis ng lunsod noong Abril 22, 2017. May 70 Saksi ang nagboluntaryo nang buong araw sa pag-aalis ng basura sa mga lansangan ng Oryol at sa paliko-liko nitong Orlik River. Bilang tanda ng kanilang pasasalamat, binigyan ng mga opisyal ng lunsod ang mga Saksi ng isang maliit na regalo at sulat-kamay na note na nagsasabi, sa bahagi: “Bilang pasasalamat sa mabuting ginawa ninyo sa komunidad at sa kalikasan.”
Pero isang buwan pagkatapos ng paglilinis, at isang linggo bago pormal na pasalamatan ng mga opisyal ng lunsod, isang boluntaryong Saksi, si Dennis Christensen (na nasa nakasingit na larawan), ay inaresto dahil sa tinatawag na ekstremistang gawain samantalang dumadalo sa isang mapayapang relihiyosong pagtitipon noong Mayo 25. Ginagamit ng mga awtoridad ng Russia ang paratang na ekstremistang gawain para salakayin ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.
“Hindi na ipinagtataka ng mga nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova na si Dennis, at ang ibang miyembro ng kongregasyon, ay kusang-loob na makikibahagi sa paglilinis sa kanilang lunsod. Maraming taon na nila itong ginagawa, kahit na binuwag na ang kanilang legal na korporasyon noong 2016,” ang sabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. “Kilala sa pagiging huwarang mga mamamayan ang mga Saksi ni Jehova sa Oryol at sa iba pang lunsod sa buong daigdig. Kaya kakatwa nga na si Dennis, isang masikap at masunurin sa batas na Kristiyano, ay tatratuhin na parang kriminal pagkatapos tumulong sa kaniyang komunidad na pinarangalan ng mga opisyal sa Oryol. Naniniwala kami na dapat palayain agad si Dennis at payagan siyang magpatuloy sa kaniyang mapayapang pagsamba at pagtulong sa komunidad kasama ng kaniyang mga kapananampalataya.”
Ang pag-aresto kay Mr. Christensen ay nangyari halos isang taon pagkatapos buwagin noong Hunyo 14, 2016 ang legal na korporasyon na ginagamit ng mga Saksi sa Oryol. Ang mga paratang na isinampa laban kay Mr. Christensen ay nangyari kasunod ng desisyon ng Supreme Court ng Russian Federation noong Abril 20, 2017, na kumpiskahin ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, malapit sa St. Petersburg. Ikinulong pa rin ng mga awtoridad sa Oryol si Mr. Christensen bago pa man ang paglilitis.
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000