HULYO 16, 2024
RUSSIA
Vasiliy Meleshko, Napalaya Na sa Bilangguan sa Russia
Napalaya na sa bilangguan si Brother Vasiliy Meleshko noong Hulyo 12, 2024. Nahatulan siya ng tatlong-taóng pagkabilanggo noong 2021.
Habang nakakulong, inilipat siya sa di-kukulangin sa pitong iba’t ibang bilangguan. Minsan, hindi sinabi kay Zoya, na asawa ni Vasiliy, ang kinaroroonan nito sa loob ng halos isang buwan. Nakakapag-alala ito dahil may mga sakit si Vasiliy.
Sinabi ni Zoya kung ano ang nakatulong sa kanila ni Vasiliy para matiis ang pinagdadaanan nila: “Alam namin na magiging masayang-masaya si Satanas kung hahayaan namin ang sitwasyong ito na sirain ang pag-ibig namin sa isa’t isa at kay Jehova.” Sinabi pa ni Zoya: “Kaya ginawa namin ni Vasiliy ang buong makakaya namin na maingatan, mapatibay, at mapanatili ang aming kaugnayan sa isa’t isa at kay Jehova. Sa mga liham ni Vasiliy, tinitiyak niya sa akin na mahal na mahal niya ako at lagi niya akong pinapatibay.”
Masaya tayong malaman na nakasama na ulit ni Vasiliy si Zoya at ang kanilang pamilya at mga kaibigan. Habang patuloy nating ipinapanalangin ang ating mga kapatid na nakabilanggo pa rin dahil sa kanilang pananampalataya, nagtitiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova sa lahat ng problema natin.—Awit 55:22.

