Tagalog
Tatlong Brother ang Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025061/univ/art/702025061_univ_sqr_xl.jpg

ABRIL 17, 2025
RUSSIA

Si Vladimir Melnik kasama ang asawa niya at mga anak na babae (kaliwa), si Vladimir Piskarev (gitna), at si Artur Putintsev kasama ang asawa niya (kanan) nang mapalaya ang mga brother mula sa bilangguan

Tatlong Brother ang Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia

Tatlong Brother ang Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia

Noong Abril 9, 2025, pinalaya sina Brother Vladimir Melnik, Vladimir Piskarev, at Artur Putintsev mula sa bilangguan. Bawat isa sa kanila ay nahatulan at nasentensiyahang mabilanggo nang anim na taon noong Oktubre 13, 2023. Pero dahil nakakulong na sila mula noong Disyembre 2020, natapos na ang sentensiya nila.

Inilipat si Vladimir Melnik sa isang bilangguan na mga 1,400 kilometro ang layo kung saan siya nilitis, kaya napakahirap para sa pamilya niya na dalawin siya. May ilang panahon na nakabartolina siya. Sinabi ng asawa niyang si Irina kung ano ang nakatulong sa kaniya na makapagtiis: “Nakatulong kay Vladimir ang matibay na pananampalataya sa mga pangako ni Jehova para makapagtiis habang nakakulong. Lagi siyang nananalangin para makapagpokus sa pag-asa niya at makapanatiling tapat.”

Pagkatapos makalaya mula sa bilangguan, kinausap ni Vladimir Piskarev ang asawa niyang si Tatyana, na nasentensiyahan ng puwersahang pagtatrabaho

Halos apat at kalahating taon nang nakahiwalay ang tatlong brother na ito sa kanilang mga pamilya. Pero hindi pa rin makakasama ni Vladimir Piskarev ang pamilya niya. Ang asawa niyang si Tatyana ay nasentensiyahan ng dalawang-taon-at-anim-na-buwang puwersahang pagtatrabaho noong Marso 1, 2024, at nakakulong pa rin. Nang tanungin kung paano ito nakaapekto sa kanila, sinabi ni Tatyana: “Sa mga pagsubok na ito, lalo lang tumibay ang pag-ibig namin kay Jehova, sa isa’t isa, at sa iba. Hindi iyon magbabago.”

Nakatulong kay Artur Putintsev ang kaniyang Kristiyanong paggawi para maharap ang maraming problema sa bilangguan. Sinabi ng asawa niyang si Lyudmila: “Kapag nagkakaproblema si Artur sa mga kasama niya sa selda, hinahatian niya sila ng pagkain at nagpapakita siya ng kabaitan sa kanila. Lagi niyang sinisikap na tulungan ang iba na manatiling kalmado at huwag mag-away.” Ginamit din ni Jehova ang mga kapatid para suportahan sina Artur at Lyudmila. Naaalala pa ni Lyudmila: “Lagi kaming tinutulungan ni Jehova. Ipinapakita lang nito na anumang malaking pagbabago ang mangyari sa ating buhay, tinitiyak ni Jehova na hindi iyon lalampas sa kaya nating tiisin. Kailangan lang nating lubusang magtiwala sa kaniya.”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa pagmamahal at sa tulong na ibinibigay niya sa mga kapatid na ito. Habang patuloy silang nagtitiis, nagtitiwala tayo na kikilos si Jehova nang “makatuwiran at makatarungan [para] sa lahat ng inaapi.”—Awit 103:6.