ENERO 28, 2025
RUSSIA
Si Brother Dmitriy Terebilov bago maaresto noong 2021
Nasentensiyahan at Nakulong sa Ikalawang Pagkakataon si Dmitriy Terebilov
Noong Enero 23, 2025, hinatulan ng Sverdlovskiy District Court ng lunsod ng Kostroma si Brother Dmitriy Terebilov at sinentensiyahang makulong nang limang taon at limang araw. Ikalawang pagkakataon na ito na nasentensiyahan at nakulong si Dmitriy dahil sa kaniyang pananampalataya.
Noong Setyembre 2021, nahatulan at nasentensiyahan si Dmitriy na makulong nang tatlong taon dahil sa pakikibahagi sa relihiyosong mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Habang nasa bilangguan, isang kapuwa bilanggo ang nagtanong kay Dmitriy tungkol sa Bibliya. Humingi din ito ng payo kung paano ihihinto ang paninigarilyo. Nang maglaon, nalaman ni Dmitriy na inirekord pala ang pag-uusap nila para akusahan siya. Ginamit ito ng mga pulis para akusahan si Dmitriy na nagpapakalat ng “ekstremistang” mga ideya, kaya nakasuhan siya sa ikalawang pagkakataon noong Abril 2023. Mula nang ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia noong 2017, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nilitis sa isang korte sa Russia ang kapatid natin dahil sa pakikipag-usap tungkol sa Bibliya habang nakabilanggo. Kaya sa halip na palayain si Dmitriy pagkatapos makumpleto ang sentensiya sa kaniya noong Setyembre 2024, ipinag-utos ng korte na ilipat siya sa isang pretrial detention center habang hinihintay ang ikalawang paglilitis sa kaniya.
Sa huling pahayag niya sa korte sa ikalawa niyang paglilitis, sinabi ni Dmitriy kung paano siya nananatiling positibo habang di-makatarungang pinag-uusig: “Hindi ako natatakot sa mga pag-uusig. Mas natatakot pa akong isipin na hihinto ako sa paglilingkod kay Jehova at wala akong matutuhan sa mga pagsubok na kinakaharap ko. Sa lahat ng pinagdaanan ko, damang-dama ko at ng pamilya ko ang tulong ni Jehova. Tinutulungan niya kaming magtiis at magpokus sa magandang pag-asa sa hinaharap. Nagpapasalamat ako na tinutulungan ako ni Jehova na mapanatili ang positibong pananaw sa pag-uusig at sa mga nang-uusig.”
Nalulungkot tayo sa patuloy na pag-uusig sa ating mga kapatid, pero nagtitiwala tayo na patuloy ding papatibayin at palalakasin ni Jehova si Dmitriy at ang pamilya niya. Ipinagpapasalamat natin na darating ang panahon, ang mga pagdurusang resulta ng ganitong mga pagsubok ay “hindi na maaalaala pa.”—Isaias 65:17.

