Tagalog
Nanawagan ang Council of Europe na Alisin ng Russia ang Pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702022321/univ/art/702022321_univ_sqr_xl.jpg

Ang Committee of Ministers ng Council of Europe, na sumusubaybay sa pagsunod sa mga desisyon ng European Court of Human Rights

DISYEMBRE 21, 2022
RUSSIA

Nanawagan ang Council of Europe na Alisin ng Russia ang Pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova

Nanawagan ang Council of Europe na Alisin ng Russia ang Pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova

Sa isang sulat sa Minister of Foreign Affairs ng Russia na may petsang Disyembre 9, 2022, nanawagan ang Secretary General of the Council of Europe (COE) na sundin ng Russia ang kamakailang mga desisyon ng European Court of Human Rights (ECHR). Kasama na rito ang mahalagang desisyon noong Hunyo 2022 na nagdedeklarang labag sa batas ang pagbabawal ng Russia sa mga Saksi ni Jehova. a

Ipinaalala ng sulat na kahit hindi na miyembro ng COE ang Russia mula noong Marso 2022, obligado pa rin itong sundin ang mga desisyong inilabas ng ECHR bago o hanggang Setyembre 16, 2022. Bukod diyan, patuloy na susubaybayan ng Committee of Ministers ng COE ang implementasyon ng mga desisyon ng ECHR.

Mula nang ilabas ang desisyon noong Hunyo 2022, mahigpit na nanawagan ang Committee na baligtarin ng Russia ang desisyon ng Supreme Court noong 2017 na nagbabawal sa mga relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sinabihan din ng Committee ang Russia “na suriin ulit ang batas laban sa ekstremismo na nagdedeklarang ekstremista ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova . . . ; na itigil ang lahat ng kriminal na paglilitis laban sa mga Saksi ni Jehova at palayain ang mga ikinulong, tuluyang alisin ang mga parusa ng hatol sa kanila, at ibalik sa mga nahatulan ang kinumpiskang pag-aari nila o bayaran ito.” b

Sa ngayon, bilang resulta ng pagbabawal, mahigit 660 kapatid natin ang nagkakaproblema sa batas dahil lang sa mga paniniwala at gawain nila. Mahigit 360 ang nakulong na, at 114 sa kanila ang nasa kulungan pa rin o pretrial detention.

Mahigit 450 kapatid ang isinama ng Russia sa listahan nito ng mga ekstremista at terorista. Dahil diyan, nahihirapan ang mga kapatid pati na ang pamilya nila. Dahil puwedeng makita ng kahit sino ang listahan, nagkakaroon ng masamang reputasyon ang mga kapatid kaya marami ang hindi makakakuha ng trabaho. Hindi rin nila ma-access ang bank account nila, hindi sila makakuha at makapag-renew ng insurance policy, makapagbenta ng ari-arian, makapag-manage ng mga investment, makatanggap ng mana, o kahit makabili ng mga SIM card.

Natutuwa tayo dahil patuloy na nagsisikap ang COE na mabigyan ng katarungan ang mga kapatid natin sa Russia. Kasabay nito, patuloy na napapatibay ang mga kapatid natin sa buong mundo sa regular na mga ulat sa jw.org tungkol sa pananampalataya, lakas ng loob, at kagalakan ng mga kapatid natin sa Russia. Salamat sa Diyos na Jehova.—Filipos 1:12-14.

a Tingnan ang paragraph 3 at 5 ng H46-33 Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others (Application No. 302/02) and Krupko and Others (Application No. 26587/07) v. Russian Federation.

b Tingnan ang paragraph 4 ng H46-33 Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others (Application No. 302/02) and Krupko and Others (Application No. 26587/07) v. Russian Federation.