ABRIL 29, 2021
RUSSIA
Nananatiling Tapat kay Jehova Sina Brother Shamov, Shchepin, at Udintsev
UPDATE | Korte sa Russia, Ibinasura ang Apela
Noong Disyembre 2, 2021, ibinasura ng Kirov Regional Court ang apela nina Brother Aleksandr Shamov, Andrey Shchepin, at Yevgeniy Udintsev. Ipapataw na ngayon ang multa sa kanila. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.
Noong Hulyo 19, 2021, hinatulan ng Leninskiy District Court of the Kirov Region sina Brother Aleksandr Shamov, Andrey Shchepin, at Yevgeniy Udintsev at pinagmumulta sila ng 420,000; 500,000; at 200,000 ruble ($5,618; $6,688; at $2,675 U.S.).
Profile
Aleksandr Shamov
Ipinanganak: 1960 (Komarovo, Kirov Region)
Maikling Impormasyon: May limang kapatid. Bata pa ay ulilang lubos na. Anim na taóng gulang pa lang, nagtatrabaho na sa bukid nila. Nagtapos sa isang technical college at naging taga-repair ng telebisyon. Ikinasal sila ni Nadezhda noong 1986. Malaki na ang anak nilang babae. Sa ngayon, nakakatanggap siya ng disability pension matapos maatake at maoperahan sa puso. Silang mag-asawa ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong mga 1990. Nabautismuhan si Aleksandr noong 2000
Andrey Shchepin
Ipinanganak: 1991 (Korolev, Moscow Region)
Maikling Impormasyon: Natutuhan ang katotohanan sa mga magulang niya. Napangasawa si Ksenia noong 2015. Nagtatrabaho bilang civil engineer. Nabautismuhan noong 2010
Yevgeniy Udintsev
Ipinanganak: 1949 (Kirov)
Maikling Impormasyon: Naka-recover sa sakit sa puso noong bata siya. Nagtatrabaho bilang civil engineer at eksperto sa metalworks. Napangasawa si Elizaveta noong 1970. Pareho nilang natutuhan ang katotohanan sa kapatid ni Elizaveta noong 1991. Dahil sa pag-ibig kay Jehova, naihinto niya ang bisyong paninigarilyo at pag-inom. Nabautismuhan noong 1996
Kaso
Noong Marso 26, 2019, ni-raid ng mga opisyal ng Russia ang 12 bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Kirov. Matapos ang raid at matinding surveillance operation, nagsampa ang prosecutor ng kaso laban kina Aleksandr, Andrey, at Yevgeniy. Ikinulong si Andrey nang dalawang araw. Sinasabi ng prosecutor na ang pagsamba nila ay itinuturing na pagiging “ekstremista.” Kasama sa “krimeng” ginawa nila ang pagbabasa ng Bibliya at pagkanta ng mga Kingdom song.
Ang mga brother na ito ay lubos na umaasa sa tulong ni Jehova, ng organisasyon ng Diyos, at ng Bibliya para makayanan ang pag-uusig. Napapatibay si Aleksandr sa halimbawa ng ‘malaking ulap ng mga saksi’ na binabanggit sa Hebreo kabanata 12. Sinabi niya: “Alam ng mga lingkod ng Diyos noon na ang pananampalataya ay may kasamang gawa, lakas ng loob, at pagtitiis. Kapag hirap na hirap na ako, binubulay-bulay ko ang halimbawa nila. Mas matindi ang pag-uusig at kawalang-katarungan na naranasan nila. Natulungan ako nito na patuloy na ‘makipaglaban nang husto para sa pananampalataya.’”—Judas 3.
Si Andrey naman ay napatibay sa kuwento ng tapat na mga Saksi sa Nazi Germany at dating Soviet Union. Sinabi niya: “Hangang-hanga ako sa lakas ng loob nila.” Humanga rin siya kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin nila at kung paano niya sila pinagpala. Kaya espesipiko na rin siya sa mga panalangin niya. Ipinaliwanag niya: “Nananalangin ako na bigyan niya ako ng tapang, at siyempre—tapang, tapang, at walang-katapusang tapang. . . . Alam natin na nabubuhay na tayo sa mahirap na panahon. Kaya ngayon na ang panahon para tulungan ang iba, magkaroon ng magagandang karanasan, at ipakita na talagang nagtitiwala tayo kay Jehova.”
Ipinapanalangin natin ang tatlo nating kapatid at ang mga pamilya nila. Alam natin na sila ay papatibayin ni Jehova at ‘patatatagin para patuloy silang gumawa at magsalita ng mabubuting bagay.’—2 Tesalonica 2:17.

