ABRIL 19, 2022
RUSSIA
Malakas ang Loob at Matagumpay sa Kabila ng Limang-Taóng Pagbabawal sa Russia
Si Brother Dennis Christensen sa isang kulungan sa loob ng korte, habang dinirinig ang kaniyang apela noong Mayo 2019
Noong Abril 20, 2022 ang ikalimang anibersaryo ng di-makatarungang pagbabawal ng Russia sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. a Pinatindi pa ng mga awtoridad sa Russia ang pag-uusig taon-taon simula nang ipataw ang pagbabawal—kung minsan pinahihirapan pa nga ang ating mga kapatid. Pero gaya ng ipinapakita sa jw.org, lakas-loob na nagtiis ang ating mahal na mga kapatid.
Isang mahusay na halimbawa si Brother Dennis Christensen, na nakulong sa loob halos ng limang taon. Pagkatapos matalo sa kaniyang apela noong Mayo 2019, mahinahon at may-pagtitiwala niyang sinabi sa lahat ng kapatid na pumunta at sumuporta sa kaniya sa korte: “Sinikap kong paglingkuran si Jehova sa abot ng aking makakaya. Gagawin ko ito magpakailanman.”
Si Brother Igor Turik
Ganiyan din ang determinasyon ni Brother Igor Turik. Naaalala niya nang makilala niya si Brother Nikolay Kalibaba, na pinag-usig noong panahong Sobyet. Itinuro ni Nikolay kay Igor na dahil sa mga pagsubok, nakikita ng bayan ni Jehova kung paano sila tinutulungan ng Diyos. Sinabi ni Igor: “Maliwanag sa akin na isang pribilehiyo na magdusa dahil sa pananampalataya.” Patuloy na nagtitiis si Igor sa kabila ng kaniyang pitong-taóng suspended prison sentence.
Ipinaliwanag ni Brother Yevgeniy Fedin ang kaniyang kombiksiyon: “Hindi ito ang panahon para ipaglaban ang personal na katarungan. Kailangan nating magpatotoo—isasauli ni Jehova ang katarungan. Nakikipaglaban tayo para sa isang pagpapala . . . Ang mga kaisipang ito ang nakatulong sa akin na magkaroon ng tamang saloobin tungkol sa mga pagsubok na ito, anuman ang kalalabasan nito. Ang bawat pagsubok ay isang pagkakataon para luwalhatiin si Jehova at magpatotoo.”
Si Sister Tatyana Zhuk
Sinabi din ni Sister Tatyana Zhuk: “Kapag iniisip natin ang mga napagtagumpayan natin, patuloy nating tinitiis ang mga pagsubok na ito. Pinatutunayan nito na kasama natin si Jehova. Imposibleng mapanatili natin ang kagalakan sa ilalim ng mga kalagayang ito kung wala ang tulong ng ating Ama sa langit.”
“Tagumpay tayo!” ang sabi ni Yevgeniy, na binanggit kanina. “Dinadala tayo sa detention center pero matagumpay pa rin. Dinadala tayo sa korte pero matagumpay pa rin. Ibinibilanggo tayo pero matagumpay pa rin.”
Bago ipatalastas ang pagbabawal noong 2017, isinulat ni Dr. Emily Baran, historian at eksperto tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Soviet Union: “Kung ang kasaysayan ang pagbabatayan, imposibleng mapawi ng Russia ang mga Saksi ni Jehova.”
Maliwanag na nagkakatotoo ang hula sa Isaias 54:17 sa ating mga kapatid sa Russia at Crimea: “Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”
a Noong pagdinig ng Korte Suprema, sinabi ng gobyerno ng Russia na kahit na ipinagbabawal nito ang legal na grupo ng mga Saksi ni Jehova, malayang maisasagawa ng bawat Saksi ang kaniyang relihiyon. Pero iba naman ang ginagawa ng gobyerno sa sinasabi nito.

