Tagalog
Kinondena ng mga Awtoridad sa Europa ang Pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702020209/univ/art/702020209_univ_sqr_xl.jpg

Hofburg Palace sa Vienna, Austria, kung saan pinag-usapan noong Marso 12, 2020 ng Organization for Security and Co-operation in Europe (OSCE) Permanent Council ang tungkol sa pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova

MAYO 1, 2020
RUSSIA

Kinondena ng mga Awtoridad sa Europa ang Pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia

Kinondena ng mga Awtoridad sa Europa ang Pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia

Noong Marso 12, 2020, kinondena ng mahigit 30 bansa sa Europa ang pang-uusig at pagpapahirap sa ating mga kapatid sa Russia. Nangyari ang pagbatikos na ito sa isang miting ng Organization for Security and Co-operation in Europe (OSCE) Permanent Council. Isa sa mga misyon ng OSCE ay protektahan ang karapatang pantao.

Sa isang pahayag na binasa sa OSCE Permanent Council, sinabi ng 27 miyembro ng European Union (EU), pati na ng 6 na hindi miyembro nito: “Lubhang nababahala ang European Union sa sitwasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na pinag-uusig pa rin, kasama rito ang pag-raid sa mga tahanan, di-makatuwirang pagbilanggo, interogasyon, at pagkulong sa kanila nang hanggang pitong taon. Isa pa, nababahala rin kami sa mga report kamakailan tungkol sa maraming Saksi ni Jehova. Pinapahirapan sila at inaabuso ng mga guwardiya o pulis habang nakakulong o kapag aarestuhin sila.”

Si Neil Bush, Ambassador ng United Kingdom sa OSCE, ay nagsabi sa Permanent Council: “Dahil sa desisyon ng Supreme Court ng Russia noong Hulyo 2017, na tumatanggi sa apela ng mga Saksi ni Jehova laban sa desisyon na ituring silang ‘mga ekstremista,’ naging isang krimen ang mapayapang pagsamba ng 175,000 mamamayan ng Russia at nilabag nito ang kalayaan sa relihiyon na nasa Konstitusyon ng Russia at sa napakaraming kasunduan ng OSCE.” Sinabi pa niya: “Mula nang ilabas ang desisyong iyon, nakita namin na napakaraming ikinulong, inimbestigahan, at inusig na mga Saksi ni Jehova sa buong Russia. Nababahala rin kami sa mga akusasyon tungkol sa pagpapahirap at masamang pagtrato sa mga Saksi ni Jehova.”

Kabilang sa mga insidente na binanggit ng mga opisyal sa Europa ang nangyaring pambubugbog sa limang Saksi noong Pebrero 6, 2020. Binugbog ng mga guwardiya sa Penal Colony No. 1 ng Russia ang mga kapatid na sina Aleksey Budenchuk, Gennadiy German, Roman Gridasov, Feliks Makhammadiyev, at Aleksey Miretskiy. “Malubha silang nasugatan at ang isa [si Feliks Makhammadiyev] ay naospital,” ang sabi ng EU Delegation. “Bukod diyan, noong Pebrero 10, 2020, iniulat na pinahirapan si Vadim Kutsenko bago dalhin sa bilangguan. Paulit-ulit siyang binugbog, sinakal, at kinuryente ng mga pulis habang humihingi ng impormasyon tungkol sa iba pang Saksi ni Jehova.”

Ipinaalala ng EU Delegation na ang “pagpapahirap at iba pang pang-aabuso ay isang paglabag sa karapatang pantao, integridad ng tao, at dignidad ng tao. Nilalabag nito ang internasyonal na mga batas para sa karapatang pantao, gaya ng International Covenant on Civil and Political Rights, European Convention on Human Rights, at UN Convention against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment, na sinang-ayunan ng Russian Federation.”

Bukod diyan, napansin ng mga lider sa Europa na ang mga ginagawa laban sa mga Saksi ni Jehova sa Russia ay paglabag sa ipinangako ng Russian Federation sa Permanent Council na malayang makakasamba ang mga kapatid natin doon.

“Noong Abril 20, 2017, ipinasara ng Supreme Court ng Russian Federation ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova at ang lahat ng kanilang korporasyon dahil sa paratang na nakikibahagi sila sa mga gawaing ‘ekstremista.’ Pagkatapos, ilang beses naming nabalitaan na sinasabi ng Russian Delegation sa [mga sesyon] ng Permanent Council na ang mga Saksi ni Jehova ay malaya at patuloy na makakasamba. At makakatiyak sila sa kalayaang iyon. Pero patuloy naman naming nababalitaan ang mga ulat tungkol sa pag-raid sa mga tahanan, di-makatuwirang pagbilanggo, at mga interogasyon sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng EU Delegation.

Napansin ng mga lider ng EU na “mula nang ipagbawal ang lahat ng gawain ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, iniulat na may 869 na tahanan ang hinalughog, 26 na indibidwal ang ikinulong bago pa man litisin, 23 ang naka-house arrest, 316 ang kinasuhan, at 29 ang nakakulong na.”

“Maliwanag na mula sa mga nabanggit, kapag sumasamba ang mga Saksi ni Jehova, puwedeng halughugin ang kanilang tahanan, iditine sila, kasuhan, at ibilanggo. Dahil sa dami at paraan ng paghalughog ng mga bahay, at bilang ng ni-raid sa isang araw sa iisang lunsod, puwedeng masabi na organisado ang kampanya laban sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Ambassador Bush.

Kinondena rin ng mga eksperto sa kalayaan sa relihiyon ang pagtrato sa ating mga kapatid sa Russia. Tungkol sa pahayag ng EU Delegation, sinabi ng abogado, politiko, at teologong Romano Katoliko sa Austria na si Dr. Gudrun Kugler: “Pasama nang pasama ang sitwasyon mula nang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Russia noong Abril 2017. . . . Lahat ng ikinulong na mga Saksi ni Jehova sa Russia ay dahil sa batas kontra-ekstremista. Tinutuligsa ng mga organisasyon sa mga karapatang pantao ang batas na ito dahil ‘malabo at lubhang malaki ang saklaw’ nito. Kaya kapag nalaman ng mga awtoridad na isa kang Saksi ni Jehova, at nagsasagawa ng pagsamba sa iyong sariling tahanan, puwede ka nang ipakulong salig sa Article 282.2. . . . Dapat nang itigil ang pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pang relihiyon sa Russia!”

Ang Russia at ang lahat ng estadong miyembro ng OSCE ay “may pananagutan na pigilan ang pagpapahirap, kasuhan ang mga nagsasagawa ng gayong pagpapahirap, kilalanin ang mga biktima, at tiyaking mabibigyan ang mga ito ng hustisya,” ang sabi ng EU Delegation. “Kaya hinihiling namin sa Russian Federation na gumawa agad ng tamang imbestigasyon sa lahat ng report tungkol dito para matiyak na mapaparusahan ang sinumang nasasangkot. . . . Nananawagan kami sa mga awtoridad na iurong ang kaso ng mga indibidwal na di-makatarungang nilitis o ibinilanggo dahil sa kanilang pagsamba. Nananawagan din kami sa Russian Federation na sundin ang internasyonal na mga batas para sa karapatang pantao, na igalang ang kalayaan sa pamamahayag, mapayapang pagtitipon, pagsamba o paniniwala, pati na ang karapatan ng mga taong kabilang sa minorya, at litisin sila nang patas.”

Anuman ang maging tugon ng Russia sa pagbatikos na ito ng mga bansa tungkol sa kalayaan sa relihiyon, alam natin na patuloy na tutulungan ni Jehova ang ating mga kapatid sa Russia na magtiis at magkaroon ng lakas ng loob habang hinihintay ang tunay na katarungan.—Awit 10:18.