HULYO 27, 2023
RUSSIA
Brother Sergey Klimov, Pinalaya Na Mula sa Bilangguan sa Russia
Noong Hulyo 26, 2023, pinalaya na si Brother Sergey Klimov mula sa bilangguan sa Russia sa lunsod ng Astrakhan matapos makulong nang mga limang taon. Una siyang naaresto noong Hunyo 3, 2018, at dinala sa pretrial detention. Nahatulan siya noong Nobyembre 5, 2019, at agad na inilipat sa isang penal colony.
Habang nakabilanggo, hindi pinayagan si Sergey na makita ang asawa niyang si Yuliya sa loob ng mga siyam na buwan. Hindi rin niya natatanggap ang karamihan sa mga liham niya. Nagkasakit nang malubha sa Sergey dahil sa hindi magandang kalagayan sa selda niya. Pero nanatili pa ring masaya si Sergey sa tulong ng regular na pananalangin at pagbabasa ng Bibliya.
Inakusahan ng mga awtoridad si Sergey ng ekstremismo dahil sa relihiyosong paniniwala niya. Noong nililitis si Sergey, lakas-loob niyang pinatunayan na mali ang akusasyon sa kaniya na ekstremismo at ipinaliwanag niya kung bakit niya tinutulungan ang mga tao na malaman ang mensahe ng Bibliya: “Ang Diyos kong si Jehova ay isang maibigin at makatarungang Diyos.” Sinabi pa niya: “Tinutulungan ko ang iba kasi mahal ko sila, hindi dahil sa pagkapoot o ekstremismo.”
Masaya tayo na nagkasama na muli sina Sergey at Yuliya. At nagpapasalamat tayo na pinagpala ni Jehova ang determinasyon ni Sergey na manatiling tapat.—Josue 24:14.

