MARSO 17, 2025
ROMANIA
Tumanggap sina Brother Ruben Mátyás (kaliwa) at Vasile Purdea (kanan) ng sertipiko mula sa Dej Prison Hospital
Pinarangalan ang mga Saksi ni Jehova sa Romania sa Pagtuturo ng Bibliya sa Isang Ospital sa Bilangguan
Binigyan kamakailan ng Dej Prison Hospital sa Dej, Romania, ang mga Saksi ni Jehova ng isang sertipiko bilang pagkilala sa pagtuturo nila ng Bibliya sa ospital. Gaya ng sinasabi sa sertipiko, gustong ipahayag ng mga opisyal ng ospital ang kanilang “pagpapahalaga at malaking pasasalamat sa nagawa” ng mga Saksi sa nakalipas na 18 taon.
Kinakausap nina Brother Vasile Purdea (kaliwa) at Ruben Mátyás (kanan) ang isang bilanggo sa Dej Prison Hospital
Tinanggap nina Brother Ruben Mátyás at Vasile Purdea ang sertipiko para sa mga boluntaryong Saksi sa Dej Prison Hospital. Sinabi ni Ruben tungkol sa ginagawa nila: “Madalas kaming may nakakausap na hindi pa napatotohanan ng mga Saksi ni Jehova kahit minsan. Marami silang tanong, kaya maganda ang nagiging takbo ng pag-uusap.” Sinabi pa ni Vasile: “Halimbawa, mga ilang buwan na ang nakakalipas, may nakilala kaming lalaki na may sakit at nadedepres. Pagkatapos naming talakayin ang aralin 02 sa brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman, ang laki ng ipinagbago niya. Pinakisuyuan namin ang isang brother na ipagpatuloy ang pagdalaw sa kaniya nang ilipat siya mula sa ospital pabalik sa bilangguan sa Târgu Jiu.”
Bukod sa Dej Prison Hospital, nagdaraos din ng mga pulong at pag-aaral sa Bibliya sa 42 iba pang bilangguan sa buong Romania. Maraming bilanggo ang interesadong-interesado sa pag-asang binabanggit sa Bibliya. Halimbawa, habang dumadalaw sa Mioveni Penitentiary, may nakausap ang mga sister natin na isang babaeng inabandona ng mga magulang noong bata pa siya. Nasangkot siya sa masasama at ilegal na gawain, at ngayon, pinagsisisihan niya ang lahat ng iyon. Ipinakita ng mga sister ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong napatawad ng Diyos at nakapagbagong-buhay sa tulong Niya. Pinatibay rin nila siya sa pamamagitan ng pananalita ni David sa Awit 27:10: “Kahit na iwan ako ng aking ama at ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” Naiyak ang babae at nagsabing gusto pa niyang matuto tungkol sa Bibliya.
Ipinaliliwanag nina Sister Alexandra Tupiță (kaliwa) at Andreea Balaj (kanan) ang kurso natin ng pag-aaral sa Bibliya sa isang grupo ng mga bilanggo sa Târgșor Women’s Prison
Si Brother Marius Marian ay dating bilanggo sa Baia Mare Prison. Habang nasa bilangguan, nag-aral siya ng Bibliya at gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay niya. Nabautismuhan si Marius pagkalaya niya. Nagpapatotoo siya ngayon sa mga bilanggo kung saan siya dati nakakulong. Sinabi ni Marius: “Alam kong kailangang-kailangan nila ng tulong. Masaya akong bumalik para tulungan silang matuto tungkol kay Jehova.”
Nagtuturo ang dating bilanggo na si Brother Marius Marian (kaliwa) ng Bibliya sa Baia Mare Prison kasama si Brother Vasile Chertițe (kanan)
Pinasasalamatan natin ang mga kapatid sa Romania, at sa marami pang ibang bansa, na handang ibahagi ang mabuting balita sa mga nasa bilangguan. Pinatutunayan ng mga pagsisikap nila na natutupad ang kalooban ni Jehova na ‘ang lahat ng uri ng tao ay magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.’—1 Timoteo 2:4.

