ABRIL 21, 2020
ROMANIA
Inilabas ang Bibliya sa Wikang Romanian sa Isang Videoconference na Miting
Noong Abril 19, 2020, inilabas ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Romanian sa isang espesyal na miting na ginanap sa Bucharest, Romania. Si Brother Jon Brenca, miyembro ng Komite ng Sangay sa Romania, ang naglabas ng Bibliya habang naka-stream at naka-videoconference sa lahat ng kongregasyong gumagamit ng Romanian sa mga bansang Romania at Moldova. Isinalin din ang programa sa wikang Hungarian, Romany (Romania), at Romanian Sign Language. Mahigit 69,000 ang nakapanood ng programa.
Inabot nang mahigit tatlong taon ang pagsasalin ng Bibliya na ginawa ng dalawang translation team. Ang saling ito ay malinaw at natural, at tumpak nitong itinatawid ang ibig sabihin ng orihinal na teksto. Sinabi ng isang tagapagsalin: “Dahil moderno ang pagkakasalin sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin, masarap itong basahin. . . . Kaya madali nitong naaabot ang puso ng mambabasa.”
Sinabi ng isa pang miyembro ng translation team: “Dahil madaling maintindihan ang Bibliyang ito, kaya itong basahin ng kahit sino, anuman ang edad nila. Talagang matutulungan nito ang tapat-pusong mga tao na mapalapít kay Jehova. Isa itong buháy na aklat sa isang modernong wika.”
Ang buong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan o bahagi nito ay naisalin na sa 186 na wika, kasama na ang 31 kumpletong rebisyong batay sa 2013 edisyon sa English. Makikinabang sa rebisyong ito ang mahigit 65,000 Saksi ni Jehova sa buong mundo na nagsasalita ng Romanian.
Ang masayang okasyong ito ay patunay ng pagpapala ni Jehova sa mga umiibig at sama-samang naglilingkod sa kaniya.—Kawikaan 10:22.

