Pumunta sa nilalaman

ENERO 21, 2015
POLAND

Paggunita sa Ika-70 Anibersaryo ng Paglaya sa Auschwitz—Mga Saksi ni Jehova Inalaala Rin

Paggunita sa Ika-70 Anibersaryo ng Paglaya sa Auschwitz—Mga Saksi ni Jehova Inalaala Rin

WARSAW, Poland—Sa Enero 27, 2015, gugunitain ng libo-libo ang ika-70 anibersaryo ng paglaya sa Auschwitz, isang kampong piitan at patayan. Ang kahila-hilakbot na kampong ito ay ginamit ng mga Alemang Nazi pangunahin na para lipulin ang mga lahing pinuntirya nila. Ginamit din ito para usigin ang mga Saksi ni Jehova mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang mga Aleman.

Ang pagtitipong ito ay inorganisa ng Auschwitz-Birkenau State Museum at ng International Auschwitz Council. Inaasahang dadalo ang presidente ng Poland na si Bronisław Komorowski at ang mga opisyal na kinatawan mula sa ibang bansa. Ibo-broadcast din ito nang live sa Internet.

Ang Auschwitz ay nasa labas lang ng Oświęcim, isang lunsod sa Poland na sinakop ng mga Nazi noong World War II. Sinimulan itong gamitin ng mga Aleman bilang kampong piitan para sa mga 700 bilanggo mula sa Poland noong Hunyo 1940. Mabilis na lumaki ang Auschwitz at nagkaroon ito ng mahigit 40 kampo at subcamp. Ang apat na gas chamber sa Auschwitz-Birkenau ay kumikitil noon nang hanggang 20,000 katao araw-araw. May mga 1.1 milyon katao, kasama ang mahigit 400 Saksi ni Jehova, na ipinatapon sa Auschwitz sa halos limang-taóng pag-iral nito.

Ayon sa website ng Auschwitz-Birkenau State Museum: “Bukod sa iilang pagbanggit, ang mga literatura tungkol sa kasaysayan ng Auschwitz Concentration Camp ay hindi tumatalakay sa mga Saksi ni Jehova (tinukoy sa mga rekord ng kampo bilang [mga Estudyante ng] Bibliya) na nabilanggo dahil sa kanilang relihiyosong paninindigan. Nararapat bigyang-pansin ang mga bilanggong ito dahil nanindigan sila sa kanilang mga prinsipyo habang nasa kampo.” Ipinakikita ng mga rekord sa museo na kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa mga unang ibinilanggo sa Auschwitz, at sa daan-daang Saksing ipinadala roon, mahigit 35 porsiyento ang namatay doon.

Si Andrzej Szalbot (Prisoner–IBV 108703): Noong 1943, inaresto siya ng mga Nazi at ipinatapon sa Auschwitz dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

Noon pa mang 1933, pinupuntirya na ng pamahalaang Nazi ang gawain ng mga Saksi ni Jehova at ipinagbawal ang organisasyong ito sa buong Germany. Ang mga pamantayang moral at gawain ng mga Saksi ay salungat sa ideolohiya ng mga Nazi. Halimbawa, ang mga Saksi ay hindi sumasaludo ng “Heil Hitler!,” dahil itinuturing nila na ang pagpupugay kay Hitler ay pagtataksil sa Diyos. Tumanggi rin ang mga Saksi na magsagawa ng anumang serbisyo militar, at ang paninindigan nilang ito ay itinuring ng rehimen bilang paglaban sa bansa. “Kapag tumanggi kang magsundalo, ipatatapon ka sa kampong piitan,” ang sabi ni Andrzej Szalbot, na inaresto noong 1943 at ipinatapon sa Auschwitz sa edad lang na 19. Pinangakuan ang mga Saksi ni Jehova na agad silang palalayain kung pipirma sila sa isang dokumento na nagsasabing itinatakwil na nila ang pagiging miyembro ng organisasyon at na mali ang mga turo nito. Hindi pumirma si Mr. Szalbot.

Pinangakuan ang mga Saksi ni Jehova na pakakawalan sila kung itatakwil nila ang kanilang pananampalataya at pipirma sila sa dokumentong katulad nito.

Sa opisyal na dokumento ng mga Nazi, tinutukoy ang mga Saksi ni Jehova bilang “IBV,” na ang ibig sabihin ay Internationale Bibelforscher-Vereinigung (International Bible Students Association), ang opisyal na pangalan ng kanilang organisasyon sa wikang Aleman. Pinagsusuot ng mga Nazi ang mga Saksi ng unipormeng may lilang tatsulok. Ang simbolong ito ay nakatulong sa mga Saksi na makilala ang kanilang mga kapananampalataya sa kampo. Gabi-gabi bago mag-roll call, nagkikita-kita sila para magpatibayan. Palihim din silang nagtitipon para talakayin ang Bibliya sa mga bilanggo na hanga sa kabaitan at pananampalataya ng mga Saksi. May mga bilanggo na naging Saksi ni Jehova habang nasa mga kampo sa Auschwitz.

Noong Sabado ng umaga, Enero 27, 1945, dumating sa Oświęcim ang Red Army ng Unyong Sobyet. Pagsapit ng alas-tres ng hapon, napalaya na ng mga sundalong Sobyet ang mga 7,000 bilanggo mula sa Auschwitz I, Auschwitz II (Birkenau), at Auschwitz III (Monowitz).

Si Stanisław Zając. Dumating sa Auschwitz noong Pebrero 16, 1943.

Si Stanisław Zając, isang Saksi ni Jehova, ay kasama sa libo-libong bilanggo na sapilitang pinaalis ng mga Nazi sa mga kampo sa Auschwitz dahil sa paparating na Red Army. Si Mr. Zając at ang mga 3,200 bilanggo ay umalis sa subcamp ng Jaworzno at naglakad sa makapal na niyebe bilang bahagi ng nakapangingilabot na death march. Tinatayang wala pang 2,000 ang nakaligtas sa tatlong-araw na paglalakad papuntang Blechhammer, isang malayong subcamp ng Auschwitz na nasa kagubatan. Sa kaniyang talambuhay, ginunita ni Mr. Zając ang naganap na labanan habang siya at ang ibang bilanggo ay nagtatago sa kampo: “Naririnig namin ang mga tangkeng dumaraan, pero walang naglakas-loob na pumunta para tingnan kung kanino ang mga iyon. Kinaumagahan, nakita namin na sa mga Ruso pala iyon. . . . Napuno ng mga sundalong Ruso ang kagubatan at dito nagwakas ang bangungot ko sa kampong piitan.”

Ngayong taon, sa Enero 27, magkakaroon ng mga komperensiya at eksibit sa iba’t ibang lunsod sa buong mundo para sa ika-70 anibersaryo ng paglaya sa Auschwitz.

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Germany: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110

Poland: Ryszard Jabłoński, tel. +48 608 555 097