Tagalog
Espesyal na Pagdalaw sa mga Volunteer at mga Nagsilikas sa Poland Mula sa Ukraine
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702022202/univ/art/702022202_univ_sqr_xl.jpg

Si Brother Sanderson, habang kausap ang mga volunteer at mga nagsilikas sa Poland

MAYO 18, 2022
POLAND

Espesyal na Pagdalaw sa mga Volunteer at mga Nagsilikas sa Poland Mula sa Ukraine

Espesyal na Pagdalaw sa mga Volunteer at mga Nagsilikas sa Poland Mula sa Ukraine

Simula noong Linggo, Mayo 1, 2022, dinalaw ni Brother Mark Sanderson ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, kasama ang tatlong miyembro ng Komite ng Sangay, ang mga kapatid na nagsilikas sa Poland mula sa Ukraine. Sa lahat ng pinuntahan ni Brother Sanderson at ng mga kapatid na kasama niya, napakinggan nila ang mga kuwento ng mga nagsilikas at tiniyak nila sa mga ito na mahal na mahal sila ng Lupong Tagapamahala at patuloy silang susuportahan.

Mula kaliwa pakanan: Tomasz Wolczko ng Komite ng Sangay sa Poland, Mark Sanderson, Vesa Väänänen ng Komite ng Sangay sa Poland, at Tommi Kauko ng Komite ng Sangay sa Finland

Tinatalakay ang mga gagawing pagtulong sa isang border crossing

Sa loob ng anim na araw, ang grupo ay naglakbay nang mahigit 2,500 kilometro para dalawin ang mga tuluyan ng mga nagsilikas sa ilang lugar. Kasama sa mga dinalaw nila ang apat na Assembly Hall at ilang Kingdom Hall. Dinalaw rin nila ang mga volunteer sa mga border crossing ng Poland at Ukraine.

Sinabi ng isang brother na taga-Ukraine: “Talagang nakapagpapatibay at nakarerepresko ang pagdalaw na iyon sa amin, parang malamig na tubig.”

“Malaking sorpresa ang pagdalaw na ito!” sabi ng isang sister sa Ukraine. “Kitang-kita namin ang malasakit ni Jehova sa amin.”

Sinabi ng isa pang sister sa Ukraine: “Pagdating namin sa Poland, wala kaming anumang dala, pero dahil kay Jehova, mayroon na kami ngayon ng lahat ng kailangan namin.”

Isang grupo ng mga driver at iba pang volunteer sa labas ng Assembly Hall sa Stęszew, Poland

Dinalaw rin ng grupo ang mga volunteer na tumutulong sa mga nagsilikas. Hiniram ni Brother Sanderson ang mga pananalita sa Hebreo 6:10 para ipaabot ang pagmamahal ng Lupong Tagapamahala sa kanila. Ipinaliwanag niyang ‘hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginawa nila.’ Sinabi pa niya, “Hindi rin namin kalilimutan ang ginawa ninyo.” Sinabi ng mga volunteer na nagpapasalamat sila na nakatulong sila sa kanilang mga kapatid.

Pagdalaw sa may-edad na mga sister mula sa Ukraine sa labas ng Kingdom Hall sa Radymno, Poland

Sinabi ni Brother Vesa Väänänen, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Poland: “Talagang napatibay ang pananampalataya ko na makitang kontrolado ni Jehova ang lahat ng bagay. Ibinigay ni Jehova kung ano ang kailangan sa tamang panahon sa pamamagitan ng gabay mula sa Lupong Tagapamahala at ng mga kapatid na handang tumulong.”

Mga volunteer sa Assembly Hall sa Stęszew, Poland na naghahanda ng mga ipamimigay na tulong

Habang patuloy na pinangangalagaan ng mga kapatid ang pangangailangan ng isa’t isa, anuman ang kalagayan, nararanasan nila ang kaligayahan ng pagbibigay na ipinangako ni Jesus.—Gawa 20:35.