MAYO 12, 2020
PILIPINAS
Sister na Pipi at Bulag, Tinutulungan ng Kongregasyon sa Panahon ng Pandemic
Si Sister Cynthia Pablo, na 64 anyos, ay isang di-bautisadong mamamahayag sa Panghulo Sign-Language Congregation sa Pilipinas. Mahirap lang siya, at pipi at bulag pa. Nakatira siya sa mga kamag-anak niyang di-Saksi sa isang mataong lugar sa Valenzuela City. Kahit na mahirap ang kalagayan ni Cynthia, na pinalala pa ng pandemic, inaasikaso siyang mabuti ng mga kapatid sa kongregasyon niya.
Gamit ang motorsiklo niya, inihahatid ni Brother Ilumin ang malinis na damit at mga relief supply kay Cynthia
Dahil sa edad niya, mas madali siyang mahawa ng COVID-19. Nagdulot pa ang pandemic ng kakulangan ng suplay ng tubig, kaya hiráp siyang labhan ang mga damit niya. Bago pa ang pandemic, tinutulungan na si Cynthia ng mga kakongregasyon niya sa paglalaba, pero hindi na nila ito nagagawa dahil sa kasalukuyang pagbabawal ng gobyerno.
Si Brother Walter Ilumin, isang elder sa kongregasyon ni Cynthia, ay nakakuha ng special permit mula sa lokal na pamahalaan, na puwede siyang makalabas ng bahay para asikasuhin si Cynthia. Ang permit na ito ay ibinibigay lang sa mga may mahahalagang serbisyo. Bukod sa paglalaba ng mga damit niya, dinadalhan din siya ni Walter ng pagkain at iba pang pangangailangan niya. Sinusunod ni Walter ang mga tagubilin at batas ng gobyerno, kasama na ang pagsusuot ng mask at iba pang protective gear, at lagi din siyang naghuhugas ng kamay.
Para pasalamatan ang mga kapatid, nagrekord ng video si Cynthia ng kaniyang maikling mensahe. At ipinapanood naman ito ni Brother Ilumin sa kongregasyon.
Si Cynthia na nangangaral bago ang pandemic
Pumupunta rin si Brother Ilumin sa bahay ni Cynthia para iinterpret ang videoconference ng mga pulong sa pamamagitan ng tactile signing. Kaya regular na nakakapagkomento si Cynthia sa Pag-aaral sa Bantayan. Sa mahirap na panahong ito, napapatibay ng pagkokomento niya ang mga naka-tie in sa pulong.
Nagtitiwala tayo na natutuwa si Jehova na makitang nagbibigay ang mga lingkod niya ng pampatibay at praktikal na tulong sa isa’t isa “nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.”—Hebreo 10:24, 25.

