SETYEMBRE 26, 2025
NEW CALEDONIA
Mga sister sa New Caledonia na may hawak na publikasyon sa lokal na mga wika (mula kaliwa pakanan) Drehu, Wallisian, Nengone, at French
Kalahating Siglo ng Legal na Pagkilala—Mga Saksi ni Jehova sa New Caledonia
Sa Setyembre 2025 ang ika-50 taon mula nang makamit ng mga Saksi ni Jehova ang legal na pagkilala sa New Caledonia. Dalawang beses tayong nabigo na makuha ang legal na pagkilalang ito, kaya tuwang-tuwa ang mga kapatid nang makuha natin ang opisyal na pagrerehistro noong Setyembre 19, 1975.
Unang naipangaral ang mabuting balita sa bansang ito mahigit 90 taon na ang nakalipas. Noong 1930’s, isang maliit na grupo ng mga Saksi ang naglayag sa mga isla at namahagi ng mga literatura na batay sa Bibliya. Makalipas ang dalawang dekada, maraming masigasig na mga kapatid na lalaki at babae ang lumipat sa mga isla mula sa Australia. Nang magsimula silang mangaral, marami silang natagpuang gustong-gustong mag-aral ng Bibliya. Noong Agosto 1956, nabuo ang unang kongregasyon sa Nouméa.
Si Brother John Hubler at ang kaniyang asawang si Ellen habang naglilingkod sa New Caledonia
Pagkatapos, noong 1959, biglang itinigil ng gobyerno ang pagre-renew ng visa ng mga dayuhan, kaya napilitang umuwi ang mga kapatid na taga-Australia. Nang sumunod na taon, ipinagbawal ng gobyerno ang lahat ng publikasyon natin. Sinabi ni John Hubler, isa sa mga kapatid na napilitang umalis: “Sinabi sa amin ng mga lokal na kapatid na ipinatalastas ng mga pari sa mga simbahan na ngayong wala na ang lahat ng ‘namumuno’ sa mga Saksi ni Jehova, babalik na raw sa simbahan ang lokal na mga Saksi.”
“Sa kabila ng sapilitang pagpapauwi sa minamahal nating mga kapatid na taga-Australia, nagpatuloy pa rin sa pangangaral ang maliit na grupo ng 15 mamamahayag sa aming lugar,” sabi ni Brother Jean-Pierre Francine, isa sa mga unang Saksi na nabautismuhan sa bansa. “Totoo, posibleng napahina ng pagbabawal sa ating mga literatura ang aming sigasig, pero sinuportahan kami ni Jehova. Nangaral kami gamit ang mga Bibliya namin. Dahil dito, nagsimulang lumaki ang aming maliit na grupo.”
Noong Nobyembre 1962, inalis ang pagbabawal sa lahat ng ating publikasyon maliban sa mga magasing Bantayan at Gumising! Nang maglaon, pinayagan na rin ang mga publikasyong iyon. Isang buwan matapos makuha ang opisyal na legal na pagkilala noong Setyembre 1975, malugod na tinanggap ng ating mga kapatid sa New Caledonia ang unang mga misyonerong sinanay sa Gilead na dumating sa bansang iyon, sina Marc at Paulina Fosset. Noong Hunyo 1976, nagkaroon ng tanggapang pansangay sa Nouméa. Di-nagtagal, itinayo ang unang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ding iyon.
Sa nakalipas na limang dekada, patuloy na masigasig na ipinangaral ng mga kapatid sa New Caledonia ang mabuting balita. Sa ngayon, mga 2,700 mamamahayag ang naglilingkod sa buong teritoryo ng sangay. At noong 2024 Memoryal ng Kamatayan ni Jesus, 7,833 ang dumalo. Halos tatlong beses iyan ng bilang ng mga mamamahayag.
Mga miyembro ng pamilyang Bethel sa New Caledonia noong Setyembre 2025. Maliit na larawan: Tanggapang pansangay sa Nouméa
Masaya tayong malaman na patuloy na pinagpapala ni Jehova ang gawain sa New Caledonia. Limampung taon matapos tanggapin ang legal na pagkilala, patuloy na ipinapangaral ng mga kapatid ang mabuting balita nang may sigasig.—Roma 1:15.

