HUNYO 20, 2023
MEXICO
Ini-release sa mga Wikang Nahuatl (Central) at Tarascan ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan
Noong Hunyo 9, 2023, ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga wikang Nahuatl (Central) at Tarascan. Ini-release ito sa unang araw ng “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon na ginanap sa dalawang wikang iyon. Narito ang maikling report tungkol dito.
Nahuatl (Central)
Ini-release ni Brother Sean Scribner, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Nahuatl (Central) sa 1,474 na dumalo. Ginanap sa Puebla, Mexico, ang kombensiyon sa wikang ito. Mga 500,000 sa Mexico ang nagsasalita ng Nahuatl (Central), na karamihan ay nakatira sa timog at gitnang mga state ng Mexico.
Pumili ang mga tagapagsalin ng mga salitang madaling maintindihan at laging ginagamit ng mga nagsasalita ng Nahuatl (Central). May mga talababa rin sa Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Nahuatl (Central) na nagpapaliwanag ng mahahalagang termino sa iba’t ibang diyalekto. At ang pinakamahalaga, mababasa ang banal na pangalan ni Jehova sa Bibliyang ito sa mga teksto kung saan dapat lumitaw ang pangalan ng Diyos.
Tarascan
Ini-release naman ni Brother Curtis Mills, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tarascan sa isang kombensiyon sa Michoacan, Mexico. May 662 dumalo. Tinatayang may mahigit 175,000 sa Mexico at mga 60,000 sa United States na nagsasalita ng wikang Tarascan.
Kahit may ibang mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tarascan, mahirap itong maintindihan at hindi laging tumpak. Halimbawa, ganito ang salin ng isang Bibliya sa Juan 10:30: “Ako rin ang Diyos na Ama.” Pero ganito ang pagkakasalin sa talatang ito ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tarascan: “Ako at ang Ama ay iisa.” Makikita sa saling ito na nagkakaisa sa layunin at gawain si Jehova at si Jesus, pero hindi sila pantay.
Dalangin natin na ang mga saling ito ng Bibliya ay makatulong sa mas marami pang tao na makilala at sambahin si Jehova.—Isaias 2:3.

