ABRIL 20, 2019
JAPAN
Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Japanese
Noong Sabado, Abril 13, 2019, inilabas ni Brother Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang nirebisang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Japanese. Ito ay inilabas sa isang espesyal na miting na ginanap sa Noevir Stadium Kobe sa Kobe, Japan, at dinaluhan ito ng 20,868. Ang programa ay naka-stream sa walong Assembly Hall at sa maraming Kingdom Hall sa teritoryo ng sangay. Nang araw na iyon at kinabukasan, ipinalabas din ang video recording sa mga Kingdom Hall para sa mga hindi nakapanood ng livestream. Lahat-lahat, 220,491 ang dumalo at nakapanood sa espesyal na miting na ito.
Ang Noevir Stadium Kobe
Masaya kami para sa mahigit 2,950 kongregasyon, group, at pregroup na nagsasalita ng Japanese sa buong daigdig. Mayroon na silang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin, isang regalo mula kay Jehova na malaking tulong sa kanilang personal na pag-aaral at ministeryo.—Hebreo 4:12.
Masaya ang mga kapatid na matanggap ang personal na kopya nila ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Japan 45 taon na ang nakakalipas. Noong 1973, inilabas ni Brother Lyman Swingle, dating miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Japanese sa “Divine Victory” na Internasyonal na Asamblea sa Osaka, Japan. Siyam na taon matapos itong ilabas, 1,140,000 kopya ang naipamahagi, mga 75 beses na mas marami kaysa sa bilang ng mamamahayag noon sa Japan. Noong 1982, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay inilabas. Ang paglilimbag at pagba-bind nito ay ginawa sa Japan. Para sa mga lingkod ni Jehova sa Japan, isa na namang mahalagang taon ang 2019 dahil inilabas na ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Japanese.
Ang buo o ilang bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin ay naisalin na sa 179 na wika, kasama na ang 22 kumpletong rebisyon na batay sa 2013 edisyon sa English.

