ABRIL 22, 2025
ITALY
Ang ilang kapatid na dumalo sa unang asambleang ginanap sa Italy noong Abril 1925
Unang Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Italy na Ginanap 100 Taon Na ang Nakakaraan
Isang Kasalan Pero Isa Ring Asamblea
Noong Abril 23 hanggang 26, 2025, ang ika-100 anibersaryo ng unang asambleang ginanap ng mga Saksi ni Jehova sa Italy. Para hindi sila mapigilan ng gobyerno, isinabay ng mga kapatid ang asamblea nila noon sa isang kasalan. Dinaluhan ito ng mahigit 60 kapatid mula sa Italy at Switzerland, at mga 10 katao ang nabautismuhan.
Mahigpit na sinusubaybayan ng gobyerno noon ng Italy ang gawain ng ating mga kapatid dahil hindi sila nagsusundalo o nakikibahagi sa politika. Alam ng mga Saksi na imposibleng mabigyan sila ng permit na magdaos ng asamblea, at ayaw nilang malaman ng gobyerno na may asamblea sila. Nang malaman ng mga kapatid ang tungkol sa engagement nina Brother Remigio Cuminetti at Sister Albina Protti, naisip ng mga nangungunang brother na puwede nilang ganapin ang asamblea sa kasalan para hindi sila paghinalaan ng gobyerno. Umarkila sila ng isang malaking silid sa Corona Grossa Hotel sa bayan ng Pinerolo at doon ipinagdiwang ang kasalan na umabot nang apat na araw.
Araw ng kasal nina Remigio at Albina Cuminetti
Sa isang liham kay Brother Joseph F. Rutherford, inilarawan ni Remigio ang epekto ng programa sa lahat ng naroroon: “Muling nangako ang lahat ng dumalo na magiging tapat sila kay Jehova at sa Panginoong Jesu-Kristo at na patuloy nilang ipapangaral ang katotohanan.” Sinabi ni Sister Adele Brun, kapatid ng babaeng ikinasal, na “puno ng mga pagpapala, pagsasaya, at kaligayahan” ang asambleang iyon. Sinabi pa niya: “Napakaorganisado ng lahat ng bagay . . . Masaya kaming lahat at handang tumulong. Isang malaking patotoo iyon.”
Mahigit 20 taon pa ang lumipas bago nagkaroon muli ng asamblea ang mga Saksi ni Jehova sa Italy noong 1947. Sinabi ni Brother Roberto Franceschetti, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Italy: “Mula nang asambleang iyon noong 1925, marami pa sa Italy ang naglingkod kay Jehova. Noong 2024, mga 247,000 katao ang dumalo sa 70 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na mga Panrehiyong Kombensiyon sa buong Italy. Idinaos ang mga kombensiyon sa 15 wika, at 1,905 katao ang nabautismuhan. Talagang nagpapasalamat kami kay Jehova sa pagsulong na ito.”
Mga larawan sa 3 kombensiyon sa Italy. Mula noong 1925, napakabilis ng pagdami ng mga Saksi doon. Noong 2024, may kabuoang bilang na 247,000 ang dumalo sa 70 panrehiyong kombensiyon
Nagpapasalamat tayo sa determinasyon at sigasig sa dalisay na pagsamba ng ating mga kapatid noon at ngayon. At patuloy nating pupurihin si Jehova sa “lahat ng henerasyon.”—Awit 79:13.

