HUNYO 3, 2025
GREECE
Sa nakalipas na 100 taon, sama-samang nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa Greece sa kanilang malalaking pagtitipon para sa pagsamba, kasama na ang 2019 “Ang Pag-Ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo!” na Internasyonal na Kombensiyon sa Athens
Noong 2025, Inalaala ng mga Saksi sa Greece ang Mahahalagang Pangyayari sa Kanilang Kasaysayan
Nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, maraming mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bayan ni Jehova ang naganap sa Greece. Sa taóng 2025, inalaala ng mga Saksi ni Jehova ang ilang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan nila sa Greece.
Isang daang taon ang nakalipas: Mula Abril 23 hanggang 26, 1925, idinaos ng mga Saksi ni Jehova (noon ay tinatawag na mga Estudyante ng Bibliya) ang kanilang unang asamblea sa Athens, Greece. Halos 200 ang dumalo sa asambleang iyon at 68 ang nabautismuhan. Pagkaraan ng apat na buwan, nakamit ng mga kapatid natin ang una nilang panalo sa korte sa Greece. Dahil sa isang patakaran ng Konstitusyon na hindi puwedeng hikayatin ng sinuman ang iba sa relihiyon niya, kinumpiska ng mga pulis ang mga publikasyon natin at ipinagbawal ng gobyerno ang ating gawaing pangangaral. Pero noong Agosto 27, pumabor sa ating mga kapatid ang Athens Court of Misdemeanors at sinabi nito na may karapatan ang mga kapatid natin na mangaral. Sinabi nito na ang mga literatura natin ay hindi labag sa Konstitusyon, sa halip, “itinuturo nito ang mga simulain tungkol sa kagandahang-asal.”
Mga dumalo na nagpapa-picture sa unang asamblea sa Athens noong Abril 1925
Limampung taon ang nakalipas: Noong Hunyo 3, 1975, opisyal na kinilala ng Greek Council of State ang mga Saksi ni Jehova bilang isang “kilalang relihiyon.” Ang desisyong ito ay dumating pagkalipas ng maraming taon ng matinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova at pagsalansang sa gawaing pangangaral noong Digmaang Pandaigdig II, isang digmaang sibil, at dalawang diktadura. Nakaranas ng maraming pagsubok ang 84-anyos na si Sister Voula Kalaitzi noong ikalawang diktadura. Sinabi niya: “Noon, kailangan naming magpunta sa kagubatan at palihim na magdaos ng aming mga pulong.” Nang maglaon, isang bagong gobyerno ang namahala. Pagkatapos ng desisyon noong Hunyo 1975, agad na inorganisa ng ating mga kapatid ang unang asamblea sa Greece ng mga Saksi ni Jehova sa buong bansa. Mula Hulyo 10 hanggang 13, mga 19,200 ang dumalo sa asamblea sa Apollon Stadium sa Athens, at 301 ang nabautismuhan. Sinabi pa ni Voula: “Masayang-masaya kaming lahat kasi sa wakas, puwede na kaming magtipong sama-sama sa publiko. Napaiyak ako sa sobrang saya ko.”
Ang unang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Greece, na ginanap sa Apollon Stadium sa Athens noong Hulyo 1975
Ngayon, pinapahalagahan ng mahigit 27,000 kapatid sa Greece ang pagkakataon na malayang magtipong sama-sama at ibahagi ang mensahe ng Bibliya sa iba. Pinasasalamatan natin si Jehova dahil pinagpapala niya ang kanilang sigasig at determinasyon na ‘manghawakang mahigpit sa pananampalataya.’—1 Corinto 16:13.

