Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 20, 2015
GHANA

Mga Saksi sa Ghana—Agad na Tumulong Pagkatapos ng Baha

Mga Saksi sa Ghana—Agad na Tumulong Pagkatapos ng Baha

ACCRA, Ghana—Sa pagtatapos ng Agosto 2015, natapos ng mga Saksi ni Jehova ang pagtulong sa Accra, kabisera ng Ghana. Dahil sa matinding pagbaha roon maraming ari-arian ang nasalanta at mahigit 200 katao ang namatay.

Itinuturo ng mga Saksi kung hanggang saan umabot ang baha sa bahay ng isang kapananampalataya nila na lumikas.

Walang Saksing namatay, pero mga 250 ang inilikas. Noong Hunyo 4, 2015, isang araw pagkatapos ng pagbaha, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Ghana ay nag-organisa ng isang disaster relief committee, na nag-asikaso sa paglalaan ng mga pangangailangan ng mga biktima gaya ng kumot, damit, at tubig. Nagsaayos din ang relief committee ng paglilinis at pagkukumpuni sa mga binahang bahay. Pansamantalang kinupkop ng mga Saksi sa Accra ang ilang kapananampalataya nila na lumikas.

Pinangasiwaan ng chairman ng disaster relief committee na si Dossou Amevor (gawing kaliwa) ang pamamahagi ng kutson sa Kingdom Hall sa Atiman sa Madina, Accra.

Dahil sa pagbaha, isang gasolinahan ang sumabog na sumira naman sa mga tubo ng tubig sa Adabraka, kung kaya nawalan ng suplay ng tubig doon. Ang tanggapang pansangay ay naglagay ng isang tangke ng tubig sa Kingdom Hall (lugar ng pagsamba) sa Adabraka para sa mga Saksi at sa mga kapitbahay nila.

Noong Sabado, Hunyo 6, nagpadala ang tanggapang pansangay ng dalawang medical team, na binubuo ng limang Saksing doktor at dalawang nars, para gamutin ang mga kapananampalataya nila at iba pang biktima sa Alajo at Adabraka. Iba’t ibang sakit ang ginamot nila, gaya ng malarya, ubo’t sipon, at diarrhea. Binisita rin ng mga kinatawan ng tanggapang pansangay at ng mga Saksing tagaroon ang mga kapananampalataya nila para maglaan ng espirituwal at emosyonal na tulong.

Larawan ng tatlong Saksing doktor at dalawang nars sa loob ng Kingdom Hall sa Adabraka, na nagsilbing pasilidad para sa paggamot.

Sinabi ng tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa Ghana na si Nathaniel Gbedemah: “Nalulungkot kami sa pinsala at pagkamatay na idinulot ng pagbaha sa Accra. Gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang panig ng daigdig, ginagawa namin ang lahat para matugunan ang emosyonal, pisikal, at espirituwal na pangangailangan ng mga tao sa aming komunidad na naapektuhan ng kalamidad.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Ghana: Nathaniel Gbedemah, tel. +223 30 701 0110