Tagalog
Isang Espesyal na Programa Para Alalahanin ang 100-Taóng Pangangaral ng Mabuting Balita sa Ghana
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702024269/univ/art/702024269_univ_sqr_xl.jpg

Kaliwa: Si Brother Claude Brown, na dumating sa Gold Coast (Ghana ngayon) noong 1924. Gitna (itaas): Kuha noong 1927 ng ilan sa mga brother na unang nabautismuhan sa Gold Coast. Gitna (ibaba): Unang tanggapang pansangay sa Gold Coast

DISYEMBRE 12, 2024
GHANA

Isang Espesyal na Programa Para Alalahanin ang 100-Taóng Pangangaral ng Mabuting Balita sa Ghana

Isang Espesyal na Programa Para Alalahanin ang 100-Taóng Pangangaral ng Mabuting Balita sa Ghana

Noong Nobyembre 9, 2024, mahigit 500 ang dumalo sa isang espesyal na programa sa sangay sa Ghana para alalahanin ang 100-taóng pangangaral ng Kaharian sa Ghana. Mayroon doong mga video, pagsasadula, at mga pahayag na nagtatampok ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa bansa.

Noong 1924, isang Estudyante ng Bibliya mula sa West Indies, si Claude Brown, ang dumating sa Gold Coast (tinatawag ngayong Ghana) at nagsimulang mangaral ng tungkol sa Kaharian sa kabisera nito na Accra. Mabilis na lumaganap ang mabuting balita, at nagsimulang magkaroon ng mga Bible study group sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pagkalipas ng tatlong taon, may mga nabautismuhan nang taga-Gold Coast. Noong 1930’s at pasimula ng 1940’s, nakaranas ang mga kapatid ng maraming pagsubok sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Pero maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap nila na ihayag ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isaias 52:7) Sa katunayan, sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II noong 1945, halos 600 na ang Saksi ni Jehova sa bansa.

Sina Brother George Baker at Sidney Wilkinson kasama ang ilang brother na taga-Gold Coast noong 1948

Pagkatapos, noong Hunyo 1947, dumating ang unang dalawang misyonero sa Gold Coast na sinanay sa Gilead, sina Brother George Baker at Sidney Wilkinson. At sa loob lang ng limang taon, umabot sa halos 4,500 ang mamamahayag dito! Noong 1948, itinayo ang unang tanggapang pansangay sa Gold Coast para pangasiwaan ang pangangaral sa mabunga nitong teritoryo. At sa sumunod na mga dekada, libo-libo pa ang tumanggap ng mensahe ng Bibliya at sumama sa dalisay na pagsamba.

Sa ngayon, halos 160,000 kapatid ang masigasig na nangangaral at gumagawa ng alagad sa Ghana. Tumutulong din ang sangay sa Ghana para maisalin ang mga publikasyong batay sa Bibliya sa 12 wika sa Ghana.

Kaliwa: Mga kapatid na dumalo sa espesyal na programa para alalahanin ang 100-taóng pangangaral ng mabuting balita sa Ghana. Kanan: Mga Bethelite na kumakanta ng isang medley ng mga Kingdom song sa programa

Sa tampok na pahayag sa programa na ibinigay ni Brother Samuel Kwesie, miyembro ng Komite ng Sangay, binanggit ang marami sa mga pagsubok at pagpapala ng bayan ni Jehova sa Ghana sa nakalipas na 100 taon. Para idiin ang maraming kahanga-hangang bagay sa kasaysayan ng mga Saksi sa Ghana, sinabi niya: “Totoong-totoo sa nakalipas na 100 taon ang sinabi ng Salita ng Diyos: ‘Ang munti ay magiging isang libo.’”—Isaias 60:22.