Tagalog
Memorial Site sa Germany, Nag-organisa ng Eksibit Tungkol sa Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702019177/univ/art/702019177_univ_sqr_xl.jpg

Ang Ravensbrück Memorial Site sa Fürstenberg, Germany.

ENERO 10, 2019
GERMANY

Memorial Site sa Germany, Nag-organisa ng Eksibit Tungkol sa Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova

Memorial Site sa Germany, Nag-organisa ng Eksibit Tungkol sa Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova

Ang Ravensbrück Memorial Site ay nag-organisa ng eksibit na may pamagat na “Ipinagbawal at Pinag-usig—Mga Saksi ni Jehova sa Bilangguan sa Ravensbrück at ng GDR.” Ipinakita rito ang paghihirap na naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa Germany sa ilalim ng pamahalaang Nazi (1933-1945) at ng German Democratic Republic (GDR o East Germany; 1949-1990), pati na ng Weimar Republic (1918-1933). (Tingnan ang kahong “ Pag-uusig at Legal na Usapin sa Ilalim ng Tatlong Gobyerno sa Germany.”) Nagsimula ang eksibit noong Abril 22, 2018, Linggo, sa Ravensbrück Concentration Camp Memorial Site sa Fürstenberg, Germany. Sa buong 2019, ang eksibit ay dadalhin sa iba’t ibang lunsod sa Germany, gaya ng Erfurt, Rostock, pati na sa Potsdam, kung saan ito ilalagay sa gusali ng parlamento ng estado ng Brandenburg.

Talambuhay ng isang kapatid na pinag-usig, si Adolf Graf, na kasama sa eksibit.

Makikita sa eksibit ang talambuhay ng 12 kapatid na inusig kapuwa ng mga Nazi at ng Komunista ng GDR. Mapapakinggan din ang mga rekording ng kuwento at liham ng pamamaalam ng mga Saksing hinatulan ng kamatayan, pati na ng mga artikulo sa diyaryo at mga dokumento tungkol sa mga nangyari noong panahon ng Nazi. Ipinakita ng eksibit na ang mga kapatid ay ibinilanggo dahil sa pananampalataya nila, at hindi gaya ng libo-libong iba pa na ibinilanggo dahil sa lahi, pananaw sa politika, o nagawang krimen.

Sa isang pahayag sa pagbubukas ng eksibit, sinabi ng istoryador na si Dr. Detlef Garbe: “Mula sa simula, ang matibay na pananampalataya at pagtitiwala, ang pagkakaisa, at ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ang dahilan kung kaya sila kinapopootan ng SS. . . . Ang kanilang matibay na pagtitiwala sa pagliligtas ng Diyos at matibay na pagkakaisa ang nakatulong sa mga Saksi ni Jehova na manatiling matatag at tapat kahit mapunta pa sila sa bilangguan.”

Hanggang ngayon, kapag napapaharap sa pag-uusig at pagbabawal ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng nangyari sa Russia, nagtitiwala silang patuloy silang aalalayan ni Jehova.—Isaias 54:17.