NOBYEMBRE 4, 2024
GERMANY
Exhibit Tungkol sa mga Saksing Tumangging Magsundalo Dahil sa Konsensiya, Nagbukás sa Sachsenhausen Memorial and Museum sa Germany
August Dickmann
Noong Setyembre 15, 2024, binuksan sa Sachsenhausen Memorial and Museum sa Oranienburg, Germany, ang isang pansamantalang exhibit na pinamagatang “Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault.” Ang pagbubukas ng exhibit, na tatagal hanggang kalagitnaan ng Disyembre 2024, ay kasabay ng ika-85 taon ng pagpatay kay Brother August Dickmann. Si August ang unang pinanganlang tumangging magsundalo at pinatay ng mga Nazi dahil sa relihiyosong paniniwala niya.
Gerhard Liebold at Emmy Zehden
Mahigit 280 Saksi ni Jehova na tumangging magsundalo dahil sa kanilang paniniwala ang hinatulan at pinatay ng pamahalaang Nazi. Nasa exhibit ang 33 display panel na may mga larawan at deskripsiyon na nagpapakita ng mga karanasan ng ilan sa mga tapat na Saksing ito. Isa na rito si Sister Emmy Zehden. Noong Hunyo 9, 1944, binitay siya sa bilangguan sa Plötzensee sa Berlin, Germany, dahil sa pagprotekta kina Gerhard Liebold, Werner Gaßner, at sa ampon niyang si Horst. Tumangging magsundalo ang tatlong brother na ito.
Josef Rehwald
Sa pambukás na seremonya ng exhibit, ininterbyu si Brother Hans-Joachim Rehwald tungkol sa tatay niyang si Josef. Noong 1938, tumanggi si Josef na sumali sa hukbo ng Germany. Kaya inaresto siya at sinentensiyahang mabilanggo nang isang taon. Nang maglaon, nakulong siya sa tatlong kampong piitan, kasama na ang Sachsenhausen. Nasaksihan niya mismo ang pagpatay kay August Dickmann. Sa kabila ng mga pagsubok na ito, nanatiling tapat si Josef kay Jehova. Pagkatapos malibot ang exhibit, sinabi ng isang brother: “Hangang-hanga ako sa mga kapatid na handang magdusa para manatiling neutral. Ibinuwis pa nga nila ang buhay nila. Gaya nila, gusto ko ring maging tapat kay Jehova anumang ang mangyari.”
Nagpapasalamat tayo sa halimbawa ng mga kapatid nating lakas-loob na nanindigan sa harap ng rehimeng Nazi. Habang pinag-uusig sa ngayon ang maraming Saksi dahil sa pananatiling neutral, malaking tulong ang kahanga-hangang halimbawa ng katapatan ng mga kapatid nating ito. Pinapatunayan nito na susuportahan at papalakasin tayo ni Jehova sa harap ng mga problema.—1 Pedro 5:10.

