Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 14, 2014
GEORGIA

European Court of Human Rights Ipinag-utos na Pairalin ang Batas sa Georgia

European Court of Human Rights Ipinag-utos na Pairalin ang Batas sa Georgia

Noong Oktubre 7, 2014, ang European Court of Human Rights (ECHR) ay nagbaba ng hatol na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Republika ng Georgia. Ang kasong ito, Begheluri and Others v. Georgia, ay isinumite sa Korte mahigit 12 taon na ang nakalilipas. Nasasangkot dito ang 99 na biktima sa 30 insidente ng karahasan at berbal na pang-aabuso. Ang lahat ng biktima maliban sa isa ay Saksi ni Jehova. Nagsimula ang mga ito sa bayolenteng pagpapahinto ng mga pulis sa ilang malalaking relihiyosong pagtitipon, at nang maglaon ay umabot ang karahasang ito na udyok ng relihiyon sa mga bahay ng mga Saksi, mga hukuman, at mga lansangan.

Sa desisyon ng ECHR, binanggit na ang mga aplikante ay nagsampa ng mga 160 reklamo sa mga kinauukulan para maimbestigahan ang mga ito, at na sinabi ng mga aplikante na ang ilan sa mga pag-atake ay ginawa mismo ng kapulisan at iba pang awtoridad. Pero walang nangyari sa mga reklamong iyon. Dahil hindi naparusahan ang mga may kagagawan nito, lumakas ang loob nila na magsagawa ng iba pang pag-atake.

Setyembre 8, 2000, pag-atake sa isang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Zugdidi

Halimbawa, noong Setyembre 8, 2000, mga 700 Saksi ang nagdaraos ng isang relihiyosong pagtitipon sa lunsod ng Zugdidi. Biglang dumating ang isang SWAT team ng naka-mask na mga pulis, sinunog ang istrakturang itinayo para sa pagtitipon, at binugbog ang mga 50 sa mga Saksi. Kaagad na nagsampa ng reklamo ang mga biktima. Gayunman, hindi kinasuhan ng mga awtoridad ang mga may-sala, kaya wala nang magawang legal na aksiyon ang mga biktima.

Kinondena ng ECHR ang Hindi Pag-aksiyon ng mga Awtoridad

Dahil hindi gumawa ang mga awtoridad ng agaran at epektibong imbestigasyon at hindi naparusahan ang mga may-sala, ang mga biktima ay nagsumite ng isang aplikasyon sa ECHR noong 2002.

Sa hatol ng ECHR noong Oktubre 7, sinabi nito na “itinataguyod ng mga awtoridad sa Georgia ang kawalang-aksiyon laban sa mga may-sala, na nagpapalakas ng loob ng iba na atakihin ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.” Sinabi rin ng Korte na ang mararahas na pag-atake ay “udyok ng panatikong kaisipan laban sa komunidad ng mga Saksi ni Jehova” at na ang mga awtoridad ay nagpapakita ng “gayon ding diskriminasyon ..., na nagpapatunay na sa paanuman ay kinukunsinti ng mga awtoridad ang karahasang iyon.”

“Itinataguyod ng mga awtoridad sa Georgia ang kawalang-aksiyon laban sa mga may-sala, na nagpapalakas ng loob ng iba na atakihin ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.”

Begheluri and Others v. Georgia, no. 28490/02, 7 October 2014, p. 40, par. 145

Dahil dito, sinabi ng ECHR na ang mga awtoridad sa Georgia ay nagkasala ng di-makataong pagtrato sa 47 sa mga aplikante. Sinabi ring nagkasala ang mga awtoridad ng diskriminasyon at pag-abuso sa kalayaan sa relihiyon ng 88 sa mga aplikante. Inutusan ng ECHR ang pamahalaan na “itigil ang paglabag na napatunayan ng Korte at iwasto ang mga epekto” ng hindi nito pag-aksiyon at ng “panatikong kaisipan” nito. Ipinag-utos ng ECHR na magbayad ang pamahalaan sa mga biktima ng mahigit 45,000 euro para sa moral damages at legal na gastusin.

Mas Mabuting Kalagayan Para sa mga Saksi ni Jehova sa Georgia

Bagaman malaki na ang ibinuti ng kalagayan mula noong 2004, nakakaranas pa rin ang mga Saksi sa Georgia ng pabugso-bugsong pag-atake at panliligalig. Noong 2013, may inireport na 53 insidente ng karahasan sa mga Saksi. Batay sa hatol sa kasong Begheluri, dapat agaran at epektibong imbestigahan ng mga awtoridad sa Georgia ang mga krimeng isinasagawa laban sa mga mamamayan nito. Inaasahan ng mga Saksi ni Jehova na magiging patas ang pamahalaan, at kakasuhan nito at parurusahan ang mga nagkakasala ng krimeng udyok ng relihiyon.