Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Eritrea
Sa loob ng maraming taon, inaaresto at ibinibilanggo ng gobyerno ng Eritrea ang mga Saksi ni Jehova—kasama na ang mga babae at may-edad—nang hindi nililitis o sinasampahan ng kaso. Sa presidential decree na may petsang Oktubre 25, 1994, inalisan ni President Afwerki ng pagkamamamayan ang mga Saksi dahil hindi sila bumoto noong 1993 sa reperendum tungkol sa kalayaan at tumatanggi silang magsundalo dahil sa konsensiya. Bago nito, nagbibigay ang Eritrea ng alternatibong paglilingkod para sa mga tumatangging magsundalo. Maraming Saksi ang nakibahagi sa ganitong paglilingkod sa ilalim ng iba’t ibang pamamahala. Nagbibigay ang gobyerno ng “Certificate of Completed National Service” at pinupuri nito ang mga nakikibahagi sa ganitong paglilingkod. Pero dahil sa presidential decree na iyon, ibinibilanggo, tino-torture, at hina-harass na ng mga pulis at mga sundalo ng Eritrea ang mga Saksi ni Jehova para mapilitan silang itakwil ang kanilang pananampalataya.
Sa ngayon, 66 na Saksi ni Jehova ang nakakulong (37 lalaki at 29 na babae). Noong Setyembre 2024, biglang dumami ang bilang na ito nang puwersahang pinasok ng mga pulis ang isang bahay kung saan may payapang nagtitipon para sa pagsamba. Dito, 24 na indibidwal ang inaresto. Di-nagtagal, may pinalayang dalawang menor-de-edad. Makalipas ang ilang araw, inaresto ang 85-taóng-gulang na babaeng Saksi. Lahat ng 23 Saksi ay dinala sa Mai Serwa Prison. Noong Disyembre 7, 2024, pinalaya ang isang Saksi na si Saron Ghebru. Siyam na buwan na siyang buntis sa magiging panganay niya. Pinalaya din noong Enero 15, 2025 si Mizan Gebreyesus na 82 taóng gulang.
Noong Nobyembre 1, 2024, sinalakay uli ng mga pulis ang mga Saksi. Inaresto nila ang apat na Saksi na nag-aaral pa, na nasa edad 16 hanggang 18. Pinagtatanong ang mga ito at dinala sa Mai Serwa Prison. Noong Nobyembre 22, dinampot ng mga pulis ang anak na babae ni Almaz Gebrehiwot sa paaralan nito at dinala sa istasyon ng mga pulis. Nang puntahan ni Almaz ang anak niya dito, pinalaya ang anak niya pero siya naman ang idinitine. Kasalukuyang nasa 5th Police Station sa Asmara si Almaz.
Mahirap na Kalagayan sa Bilangguan
Napakahirap ng kalagayan ng mga Saksi sa Mai Serwa at sa iba pang bilangguan. Napakaliit ng mga selda kaya siksikan ang mga bilanggo at halos hindi sila makahiga. Kapag natutulog sila, nakatagilid lang sila at siksikan. Wala ring mga pasilidad para sa sanitasyon. Lalaki man o babae, dalawang beses lang sa isang araw—sa itinakdang oras—sila puwedeng magbawas o umihi habang binabantayan ng mga sundalo. Wala ring sapat na medikal na tulong, at suplay ng pagkain at tubig.
Dahil sa mga kalagayang ito, apat na Saksi ang namatay habang nakabilanggo sa Eritrea, at tatlong may-edad na Saksi ang namatay pagkatapos nilang mapalaya dahil sa napakahirap na kalagayang dinanas nila habang nakakulong.
Noong 2011 at 2012, dalawang Saksi ang namatay dahil sa di-makataong pagtrato sa kanila sa Meitir Prison Camp. Si Misghina Gebretinsae, 62 anyos, ay namatay noong Hulyo 2011 dahil sa matinding init habang nasa lugar ng pagpaparusa na tinatawag na “underground.” Si Yohannes Haile naman, 68 anyos, ay namatay noong Agosto 16, 2012, matapos mabilanggo nang halos apat na taon sa gayon ding kalagayan.
Tatlong may-edad na Saksi, sina Kahsai Mekonnen, Goitom Gebrekristos, at Tsehaye Tesfamariam, ang namatay matapos palayain dahil sa hirap na dinanas nila habang nasa Meitir Camp.
Noong 2018, dalawang Saksi ang namatay matapos ilipat sa Mai Serwa Prison. Si Habtemichael Tesfamariam ay namatay sa edad na 76 noong Enero 3, at si Habtemichael Mekonnen naman ay namatay sa edad na 77 noong Marso 6. Ibinilanggo ng mga awtoridad sa Eritrea ang dalawang lalaking ito noong 2008 kahit walang isinasampang kaso.
Walang-Katiyakang Haba ng Pagkabilanggo
Hindi alam ng karamihan sa mga Saksi na nakakulong kung kailan sila makakalaya; posibleng makulong sila hanggang mamatay o malapit nang mamatay. At dahil walang legal na proseso o solusyon para sa kanila, lumilitaw na ang kanilang pagkabilanggo ay panghabambuhay na.
Time Line
Pebrero 17, 2025
May 66 na Saksing nakabilanggo.
Nobyembre 22, 2024
Inaresto si Almaz Gebrehiwot dahil tumanggi siyang makibahagi sa politikal na partido ng bansa.
Nobyembre 1, 2024
Apat na estudyanteng Saksi ang inaresto at dinala sa Mai Serwa Prison.
Setyembre 27, 2024
Inaresto at dinala sa Mai Serwa Prison ang 23 Saksi; dalawa sa kanila ang pinalaya din.
Pebrero 1, 2021
Pinalaya ang tatlong Saksi.
Enero 29, 2021
Pinalaya ang isang Saksi.
Disyembre 4, 2020
Pinalaya ang 28 Saksi.
Marso 6, 2018
Namatay si Habtemichael Mekonnen, edad 77, matapos ilipat sa Mai Serwa Prison.
Enero 3, 2018
Namatay si Habtemichael Tesfamariam, edad 76, matapos ilipat sa Mai Serwa Prison.
Hulyo 2017
Lahat ng Saksing nakabilanggo sa Meitir Camp ay inilipat sa Mai Serwa Prison sa labas ng Asmara.
Hulyo 25, 2014
Pinalaya ang karamihan sa inaresto noong Abril 14, pero 20 sa mga inaresto noong Abril 27 ang nakakulong pa rin.
Abril 27, 2014
Inaresto ang 31 Saksi habang nagtitipon para sa pag-aaral sa Bibliya.
Abril 14, 2014
Mahigit 90 Saksi ang inaresto habang nagtitipon para sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Agosto 16, 2012
Namatay si Yohannes Haile, 68 anyos, habang nakabilanggo sa ilalim ng mahirap na kalagayan.
Hulyo 2011
Namatay si Misghina Gebretinsae, 62 anyos, habang nakabilanggo sa ilalim ng mahirap na kalagayan.
Hunyo 28, 2009
Ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng isang Saksi habang may pagtitipon doon para sa pagsamba at inaresto ang lahat ng 23 Saksing naroon, edad 2 hanggang 80.
Abril 28, 2009
Maliban sa isa, lahat ng Saksi ni Jehova na nakabilanggo sa mga presinto ay inilipat ng mga awtoridad sa Meitir Prison Camp.
Hulyo 8, 2008
Nagsimula ang pag-raid ng mga awtoridad sa mga bahay at lugar ng trabaho para arestuhin ang 24 na Saksi, na karamihan ay naghahanapbuhay para sa pamilya nila.
Mayo 2002
Ipinagbawal ng gobyerno ang lahat ng relihiyon na wala sa ilalim ng apat na relihiyong aprobado ng gobyerno.
Oktubre 25, 1994
Sa bisa ng isang presidential decree, ang mga Saksi ni Jehova ay inalisan ng pagkamamamayan at saligang karapatang sibil.
Setyembre 17, 1994
Sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam ay ibinilanggo nang hindi nililitis o sinasampahan ng kaso.
1950’s
Itinatag ang unang mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Eritrea.