Tagalog
Dalawang May-edad Na Saksi—Namatay sa Bilangguan sa Eritrea
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/802018863/univ/art/802018863_univ_sqr_xl.jpg

Si Habtemichael Tesfamariam, bago siya makulong, kasama ang asawa niyang si Leterberhan Bezabih

ABRIL 25, 2018
ERITREA

Dalawang May-edad Na Saksi—Namatay sa Bilangguan sa Eritrea

Dalawang May-edad Na Saksi—Namatay sa Bilangguan sa Eritrea

Dalawang Saksi ni Jehova, sina Habtemichael Tesfamariam at Habtemichael Mekonen, ay namatay sa Mai Serwa Prison malapit sa Asmara maaga noong 2018. Ang dalawa ay inaresto at ibinilanggo noong tag-araw ng 2008 dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala, at matinding nagdusa sa bilangguan sa loob halos ng isang dekada.

Si Mr. Tesfamariam ay namatay sa edad na 76 sa Mai Serwa Prison noong Enero 3, 2018. Naniniwala ang mga kapuwa niya bilanggo na siya ay na-stroke. Si Mr. Tesfamariam ay ipinanganak noong 1942 sa Adi Yakulu, Mendefera, Eritrea. Naging Saksi ni Jehova siya noong 1970 at tumangging ikompromiso ang kaniyang pananampalataya, sa kabila ng di-makatarungang pagkabilanggo at pagmamaltrato. Naulila niya ang kaniyang asawa, si Leterberhan Bezabih; apat na anak na lalaki; at tatlong anak na babae.

Si Mr. Mekonen ay namatay sa edad na 77 sa Mai Serwa Prison noong Marso 6, 2018. Naniniwala ang mga kapuwa niya bilanggo na namatay siya dahil sa sakit sa bato. Si Mr. Mekonen ay isinilang noong 1940 sa nayon ng Kudo Felasi sa timugan ng Eritrea. Naging Saksi siya mahigit 55 taon na ang nakalilipas at, gaya ni Mr. Tesfamariam, tumanggi rin siyang ikompromiso ang kaniyang pananampalataya, kahit na ibinilanggo siya nang walang dahilan at minaltrato. Naulila niya ang kaniyang asawa, si Mihret Ellias, gayundin ang isang anak na lalaki at isang anak na babae.

Di-makatarungang Pag-aresto at Pag-abuso

Nasa bahay si Mr. Mekonen nang arestuhin siya ng mga awtoridad nang walang paratang noong Hulyo 2008, at nasa bahay rin si Mr. Tesfamariam nang arestuhin siya noong Agosto 2008. Silang dalawa ay ikinulong sa Meitir Prison Camp, sa disyerto sa hilaga ng Asmara, kung saan nagtiis sila ng malupit at di-makataong mga kalagayan. Para sa espesyal na parusa, ikinulong ng mga awtoridad ang mga Saksi mula Oktubre 2011 hanggang Agosto 2012 sa isang gusali na ang kalahati ay nakabaon sa lupa. Doon pinahihirapan nang husto ang mga bilanggo sa matinding init ng tag-araw at walang sapat na pagkain at tubig. Dahil dito, ang ilan ay nagkaroon ng pangmatagalang sakit.

Noong 2017, inilipat ng mga awtoridad ang mga Saksing nakakulong sa Meitir Camp tungo sa Mai Serwa Prison, kung saan puwede silang tumanggap ng pagkain mula sa mga kamag-anak at magpagamot kapag may malubhang sakit. Ikinatuwa ng mga bilanggo ang paglipat sa hindi gaanong malupit na kalagayan ng bilangguan, pero hindi na lubusang nakabawi sina Mr. Tesfamariam at Mr. Mekonen sa naunang mga pagmamalupit.

Si Habtemichael Mekonen, bago siya makulong, kasama ang asawa niyang si Mihret Ellias

Hindi sina Mr. Tesfamariam at Mr. Mekonen ang unang mga Saksi na namatay sa isang bilangguan sa Eritrea o pagkatapos mapalaya. Dahil sa di-makataong kalagayan sa bilangguan at pagmamaltrato, dalawa pang Saksi ang namatay sa bilangguan, at tatlong iba pa ang namatay pagkatapos mapalaya. Hindi kukulangin sa pitong Saksi na napalaya mga ilang taon na ang nakalilipas ang mayroon pa ring malubhang sakit dahil sa mga pinagdaanan nila sa bilangguan. Limampu’t tatlong Saksi ang nakakulong pa rin sa Eritrea dahil sa kanilang pananampalataya, kasama na ang kapatid na lalaki ni Mr. Tesfamariam, si Tareke.

Ang Pag-uusig ay “Isang Krimen Laban sa Sangkatauhan”

Noong Hunyo 8, 2016, inilathala ng United Nation’s Human Rights Council ang isang report batay sa mga natuklasan ng Commission of Inquiry on Human Rights in Eritrea (COIE), kung saan inimbestigahan ng council ang mga paglabag ng Eritrea sa mga karapatang pantao. Hinimok ng COIE ang Eritrea na “igalang ang kalayaan sa pagsamba o paniniwala” at “wakasan ang pag-aresto at pagkulong sa mga indibiduwal dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala, lalo na ang mga tagasunod ng espesipikong relihiyosong grupo, gaya ng mga Saksi ni Jehova, ... at palayain agad nang walang-kondisyon ang lahat ng ilegal at walang-katarungang ikinulong.” Ipinasiya ng COIE na ang pag-uusig ng Eritrea sa mga indibiduwal dahil sa kanilang relihiyon ay “isang krimen laban sa sangkatauhan.”

Umaasa ang mga Saksi ni Jehova na mapapansin ng mga bansa sa buong daigdig ang kamatayan ni Mr. Tesfamariam at ni Mr. Mekonen at na pakikilusin ng mga trahedyang ito ang makatarungang mga opisyal ng Eritrea na tulungan ang mga di-makatarungan ikinulong dahil sa kanilang pananampalataya.