DISYEMBRE 30, 2024
ERITREA
Pinalaya Na ng Eritrea ang Buntis na si Sister Saron Ghebru
Noong Disyembre 7, 2024, pinalaya na mula sa Mai Serwa Prison sa Eritrea si Sister Saron Ghebru. Siyam na buwan na siyang buntis ngayon sa panganay nilang anak kaya puwede siyang manganak anumang oras. Si Saron at ang asawa niyang si Fitsum ay kasama sa mahigit 20 lalaki, babae, at mga batang inaresto dahil sa pagdalo sa isang mapayapang pulong ng mga Saksi ni Jehova noong Setyembre 2024.
Nakakalungkot, pagkalipas lang ng mahigit isang buwan, noong Nobyembre 1, 2024, inaresto sa paaralan ang apat na Saksing teenager—sina Brother Zesani Biniam at Ebenezer Yonas at sina Sister Sidon at Horeb Tekeste—dahil tumanggi silang magbigay ng kontribusyon para sa isang gawaing politikal. Nakakulong sila ngayon sa Mai Serwa Prison. At noong Nobyembre 22, inaresto rin ang 50-anyos na si Sister Almaz Gebrehiwot dahil hindi siya sumali sa partido politikal ng bansa.
Ang apat na teenager at ang 50-anyos na sister na inaresto at ikinulong sa Eritrea noong Nobyembre 2024
Sa ngayon, may 68 kapatid na nakakulong sa Eritrea. Di-bababa sa 10 ang mahigit 70 anyos, kasama na ang 85-anyos na si Sister Letebrhan Tesfay. Ang kapatid naman ni Saron na si Henok ay halos 20 taon nang nakakulong kahit walang isinampang kaso sa kaniya at hindi siya nabigyan ng paglilitis. Ginagawan na ng paraan para mapalaya ang lahat ng kapatid na ito.
Bilang isang nagkakaisang pamilya, masaya tayong napalaya na si Saron. Ipinapanalangin natin sa Ama nating si Jehova na patuloy niyang palakasin, patibayin, at bigyan ng karunungan ang lahat ng tapat nating kapatid na nakakulong pa rin sa Eritrea.—Awit 91:1.