Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 10, 2024
ERITREA

Ni-raid at Inaresto ang mga Saksi sa Eritrea

Kasama sa 23 Ikinulong ang 85-Anyos na Sister

Ni-raid at Inaresto ang mga Saksi sa Eritrea

Noong Setyembre 27, 2024, ni-raid ng mga pulis sa Eritrea ang isang pribadong tahanan kung saan mapayapang nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova. Ang mga pulis ay nagsagawa nang 24 na pag-aresto: 6 na brother, 16 na sister, at 2 menor de edad. Makalipas ang tatlong araw, bumalik ang mga pulis at inaresto ang 85-anyos na sister na nakatira sa bahay na iyon. Nang maglaon, pinalaya ang 2 menor de edad pero ang 23 adulto ay inilipat sa Mai Serwa Prison.

Ngayon, may 63 Saksi ni Jehova ang nakakulong sa Eritrea dahil sa kanilang pananampalataya, kasama ang 10 na mahigit 70 anyos na. Wala sa mga kapatid na ito, kasama na ang inaresto sa raid, ang kinasuhan o nahatulan dahil sa isang krimen.

Sa loob ng maraming taon, pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea. Halos 30 taon na ang nakakalipas, noong Oktubre 25, 1994, pinawalang-bisa ng presidente ng Eritrea ang pagkamamamayan ng lahat ng Saksi ni Jehova na ipinanganak doon. Mula noon, lalo pang tumindi ang pag-uusig sa ating mga kapatid at di-makatarungan silang ibinibilanggo.

Nalulungkot tayo sa nangyayaring mga pag-uusig na ito. Lagi nating ‘inaalaala ang mga nasa bilangguan’ sa Eritrea at ipinapanalangin sila. At nagtitiwala tayo na patuloy silang bibigyan ni Jehova ng kaaliwan, lakas, at tutulungan silang magtiis.—Hebreo 13:3.