Tagalog
Isang Taon Nang Nakabilanggo at Pinagmamalupitan ang Dalawang Sister sa Eritrea na Mahigit 80 Taóng Gulang
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025146/univ/art/702025146_univ_sqr_xl.jpg

SETYEMBRE 8, 2025
ERITREA

Mula sa kaliwa: 84-na-taóng-gulang na si Sister Berekti Habte at 86-na-taóng-gulang na si Sister Letebrhan Tesfay

Isang Taon Nang Nakabilanggo at Pinagmamalupitan ang Dalawang Sister sa Eritrea na Mahigit 80 Taóng Gulang

May 14 na Saksi na Lampas 60 Taóng Gulang na Kasalukuyang Nakakulong

Isang Taon Nang Nakabilanggo at Pinagmamalupitan ang Dalawang Sister sa Eritrea na Mahigit 80 Taóng Gulang

Ngayong Setyembre 2025, isang taon nang nakabilanggo ang dalawang may-edad na sister sa Eritrea. Noong Setyembre 27, 2024, inaresto si Sister Berekti Habte, na 84 na taóng gulang, noong i-raid ang bahay ni Sister Letebrhan Tesfay, na 86 na taóng gulang. Ginaganap noon ang isang mapayapang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang tatlong araw, bumalik ang mga awtoridad at inaresto si Letebrhan. Nakakulong ngayon ang dalawang sister sa Adi Abeto Prison.

Ang dalawang kapatid na ito ay maraming dekada nang naglilingkod kay Jehova. Si Letebrhan, na nabautismuhan noong 1957, ay isa sa mga unang naging Saksi sa Eritrea. Bukod diyan, walo sa kaniyang mga anak ay masisigasig na lingkod ni Jehova. Isa sa kanila, si Sister Hadassa Zerisenay na 52 taóng gulang, ay inaresto rin noong Setyembre 2024 sa isang raid. Si Hadassa ay kasalukuyang nakabilanggo sa Mai Serwa Prison. Si Berekti naman, na nabautismuhan noong 1974, ay limang dekada nang tapat na naglilingkod kay Jehova.

Ang 17-taóng-gulang na si Sister Sidon Tekeste ang pinakabatang Saksi na nakabilanggo ngayon sa Eritrea

Sa kasalukuyan, 64 na Saksi ni Jehova ang nakakulong sa Eritrea. Sa bilang na ito, 14 ang mahigit 60 taóng gulang. Ang pinakabata, si Sister Sidon Tekeste, ay 17 taóng gulang lang at nakakulong sa Mai Serwa Prison mula pa noong Nobyembre 2024. Walang sinuman sa kanila ang pormal na kinasuhan o nilitis. Sa loob ng bilangguan, madalas na ipinagkakait ng mga opisyal ang medikal na pangangalaga sa mga nakabilanggong Saksi, at di-makatao ang pagtrato sa kanila. Tungkol sa malalang kalagayan sa Adi Abeto Prison, ikinuwento ng isang sister na pinalaya mula roon noong Enero 2025: “Napakahirap ng sitwasyon at siksikan ang bilangguan. Nasa mga 40 hanggang 60 sentimetro lang ang lapad ng puwedeng mahigaan ng mga bilanggo, kasama na ang matatanda nating kapatid. Dahil dito, patagilid lang kaming natutulog at napakahirap magbago ng puwesto. Parang sinasadya ng mga opisyal ng bilangguan na pahirapan ang matatanda nating kapatid sa pamamagitan ng masamang pagtrato sa kanila.”

Ang nakalulungkot na kalagayang ito ng mga kapatid sa Eritrea at ang lantarang pagwawalang-bahala ng bansa sa karapatang pantao ay nakatawag ng pansin ng maraming kilaláng internasyonal na organisasyon. Halimbawa, noong Mayo 2025, hinimok ng United Nations Special Rapporteur ang gobyerno ng Eritrea na “palayain agad nang walang kondisyon ang lahat ng basta na lang nila ibinilanggo nang hindi dumaan sa tamang proseso” at “itigil ang pag-uusig sa mga indibidwal dahil sa relihiyosong mga paniniwala nila.” Hanggang ngayon, hindi pinapansin ng gobyerno ng Eritrea ang mga panawagang ito at patuloy nitong pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pananampalataya nila.

Ang 14 na tapat na kapatid na mahigit 60 taong gulang na at kasalukuyang nakakulong sa Eritrea. Unang hanay, mula kaliwa: Sina Berekti Habte, 84; Elen Goitom, 60; Genet Zeray, 67; Keseteberhan Negusse, 74; Hideat Gebrehiwet, 65; at Letebrhan Tesfay, 86. Ikalawang hanay, mula kaliwa: Sina Tewoldemedhin Habtezion, 66; Saba Tekle, 66; Tareke Tesfamariam, 77; Tekle Yoab, 74, at ang kaniyang asawa, Kdisti Tesfamichael, 71; Tesfay Kiflay, 67; Tesfazion Gebremichael, 83; at Okba Amare, 62

Bilang isang pandaigdig na kapatiran, sama-sama nating ipinapanalangin ang paglaya ng lahat ng kapatid nating nakakulong sa Eritrea. Nagtitiwala tayo na sa tulong ng ‘espiritu ng Diyos na nasa kanila,’ makapananatili silang tapat at patuloy na makapagtitiis sa kabila ng matinding pagsubok na pinagdadaanan nila ngayon.​—1 Pedro 4:14.