Pumunta sa nilalaman

HULYO 19, 2019
DENMARK

Isang Mahalagang Pangyayari: Inilabas ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Icelandic

Isang Mahalagang Pangyayari: Inilabas ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Icelandic

Noong Hulyo 19, 2019, masiglang inianunsiyo ni Brother Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Icelandic sa internasyonal na kombensiyon sa Copenhagen, Denmark.

Noong Biyernes ng umaga, inimbitahan ng chairman ang lahat ng nagsasalita ng Icelandic na pumunta sa isang maliit na kuwarto sa istadyum pagkatapos ng pang-umagang sesyon. Sa espesyal na miting na iyon, binigyan ni Brother Lett ang 341 kapatid na naroon ng sarili nilang kopya ng Bibliya.

Daan-daang taon nang nagsisikap ang mga taga-Iceland na maisalin ang Bibliya sa wika nila. Noong 1540, inilathala ni Oddur Gottskálksson ang kauna-unahang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Icelandic. Mula 2010, ginagamit na ng mga kapatid sa Iceland ang Bible of the 21st Century, na inilathala ng Icelandic Bible Company. Ngayon, nasasabik na ang mga kapatid na nagsasalita ng wikang Icelandic na gamitin ang bagong salin na ito para ibahagi ang mabuting balita sa mahigit 300,000 tao na nagsasalita ng wikang ito.

Sinabi ng isang brother na kasama sa translation team: “Inabot nang halos apat na taon ang pagsasalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Icelandic. Naiiba ang saling ito dahil ibinalik nito ang pangalan ni Jehova sa orihinal na puwesto nito sa Kasulatan. Kaayon ito ng panalangin ni Jesus na nakaulat sa Juan 17:26: ‘Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala.’”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil patuloy niyang pinagpapala ang atas nating ipangaral ang mabuting balita sa buong mundo. Malaki ang naitutulong ng pagsasalin ng Bibliya para magawa ito. Ipinapanalangin naming dumami pa ang gustong matuto tungkol sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos” habang binabasa nila ang kaniyang Salita sa sarili nilang wika.—Gawa 2:11.