HUNYO 6, 2024
COLOMBIA
Kahalagahan ng Pag-aaral ng Bibliya, Tampok sa International Book Fair sa Colombia
Ginanap ang International Book Fair sa Bogotá, Colombia, mula Abril 17 hanggang Mayo 2, 2024. Ayon sa mga nag-organisa, mahigit 600,000 mula sa 25 bansa ang nagpunta sa event. Nag-set up dito ng isang booth ang mga Saksi ni Jehova para tulungan ang mga tao na malaman kung paano magagamit sa buhay ang Bibliya at kung paano ito nagbibigay ng pag-asa.
Mga kapatid na nagbabahagi ng mensahe ng Bibliya sa mga taong lumapit sa booth
Isang lalaki ang lumapit sa booth at sinabing dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa pamilya niya noong bata pa siya. Sinabi niya na interesado pa rin siyang matuto nang higit tungkol sa Diyos at sa mensahe ng Bibliya. Ipinakita ng brother kung paano ginagawa ang pag-aaral ng Bibliya gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Pagkatapos, ipinakita ng brother kung paano makakahanap ng pulong ng kongregasyon na malapit sa bahay ng lalaki at kung paano magre-request sa jw.org na dalawin siya ng mga Saksi. Makalipas ang ilang araw, tuwang-tuwa ang brother na malaman na nai-download na ng lalaki ang JW Library sa kaniyang cellphone, dumalo na ito ng pulong noong Linggo, at nag-aaral na ng Bibliya sa tulong ng isang brother sa lugar nila.
Ipinapakita ng sister sa isang nanay at anak nitong lalaki kung paano nag-aaral ng Bibliya
Nang lumapit ang isang nanay at ang anak niyang lalaki sa booth, tuwang-tuwa ang batang lalaki sa pinanood niyang video mula sa serye na Maging Kaibigan ni Jehova. Tinanong ng nanay ang isang sister kung saan siya makakabili ng iba pang ganitong mga video. Sinabi ng sister na libre ang mga video na ito sa jw.org, at may iba pang video at artikulo doon na salig sa Bibliya at makakatulong sa mga kabataang maging mabait at malapít sa Diyos. Pagkatapos panoorin ang ilan pang video kasama ng anak niya, sinabi ng nanay na talagang nagustuhan niya ang kalidad ng mga video at ang mga aral na itinuturo nito. Pumayag siyang ipakita ng sister kung paano nag-aaral ng Bibliya, at isinaayos nilang maipagpatuloy ang pag-aaral niya.
Masaya tayo para sa mga kapatid sa Colombia dahil sa napakagandang pagkakataong ito na tulungan ang iba na “lumakad . . . sa liwanag ni Jehova.”—Isaias 2:5.

